Still Screaming: 35 Taon ng ‘The Silence of the Lambs’
Mahigit tatlong dekada na ang lumipas, nananatiling obra maestra ang thriller ni Jonathan Demme, na hinuhubog ng nakapangingilabot na pag-arte at matinding lalim na sikolohikal.
35 taon na ang nakalipas, ang obra ni Jonathan Demme naThe Silence of the Lambs ang gumawa ng isang imposibleng bagay: ang iangat ang “slasher” sa antas ng mataas na sining. Ang pagdomina nito sa limang pangunahing kategorya sa 1992 Academy Awards ay nagsilbing koronasyon para sa genre, na tuluyang nagpatibay sa reputasyon nito bilang gold standard ng psychological thriller.
Sa panahon ngayon na nangingibabaw ang VFX at CG sa mga pelikula, ang pagbabalik sa mamasa-masang basement sa Baltimore ay paalala kung bakit isang masterclass ang pelikulang ito sa gaze, gender, at sa nakakakilabot na kariktan ng isip ng tao. Higit pa sa dugo at karahasan, naroon ang matinding pagiging malapit at personal.The Silence of the Lambs ay nakatindig sa sunod-sunod na extreme close-ups (tandang-pirma ng yumaong Demme) na itinutulak ang manonood sa tuwirang, hindi kumukurap na pagtapat kay Dr. Hannibal Lecter. Si Anthony Hopkins, kahit wala pang 20 minutong kabuuang screen time, ay lumikha ng isang halimaw na may sukat na pang-Shakespeare. Taliwas sa karaniwang konsepto ng kung ano ang isang “monster,” ang kanyang Lecter ay pino, magalang, ngunit lubhang mandaragit, ginagawang parang maselang pag-opera ang simpleng pag-uusap.
Sa kabilang panig, si Clarice Starling ni Jodie Foster ay nananatiling isa sa pinaka-radikal na pangunahing karakter sa kasaysayan ng pelikula. Sa halip na gawing eksaherado at over-the-top na action hero, pinanatili siyang isang babae—at iyon mismo ang kanyang lakas. Si Clarice ay isang babaeng nagna-navigate sa masakal na “boys’ club” sa FBI na, sa halip na umasa sa baril sa kanyang holster, ay ginamit ang talino at kahinaan bilang kanyang pangunahing sandata. Nasa kakayahan niyang tiisin ang male gaze ang kanyang lakas—maging iyon man ay manyak na titig ng kasamahan o mapanuring tingin ng isang kanibal.
Higit pa sa mga linyang “fava beans” at “nice Chianti,” nakaugat ang pamana ng pelikula sa husay ng pagkakagawa nito. Ang malungkot na orchestral score ni Howard Shore at ang klaustropobikong sinematograpiya ni Tak Fujimoto ang lumikha ng isang atmosferang hitik sa pangamba na hanggang ngayon ay nakakapanindig-balahibo pa rin. Nagsilang ito ng libu-libong procedural tropes, ngunit wala pang nakakapanabayan sa buto-buto nitong sopistikasyon.
Habang ipinagdiriwang natin ang ika-35 anibersaryong ito,The Silence of the Lambs ay nananatiling paalala na ang pinakanakakatakot na mga halimaw ay hindi laging yaong nagtatago sa dilim. Ngayon, higit kailanman, sila ang mga nakaupo sa tapat natin sa mesa, nag-aalok ng isang basong alak at isang sulyap sa sarili nating repleksyon. Kamukha nila tayo—ikaw at ako.
The Silence of the Lambs ay mapapanood na ngayon sa multi-awarded na inflight entertainment system.



















