Lahat ng Alam (At Hindi Pa Alam) Natin sa Comedy Film nina Kendrick Lamar at ng mga Creator ng ‘South Park’
Halos apat na taon mula nang unang ianunsyo, nananatiling misteryoso ang live-action na ‘Whitney Springs’ hanggang ngayon.
Isang collab nina Kendrick Lamar, Dave Free at South Park creators Trey Parker at Matt Stone ay hindi talaga namin inaasahan. Ano nga ba ang nag-uugnay sa isang rapper na nagwagi ng Pulitzer at isang music exec sa mga trailblazer sa telebisyon? Simple lang ang sagot: komedya.
Ang pelikula nila sa Paramount Pictures ay nabalot na sa lihim mula pa noong simula. Sa unang anunsyo nito noong Enero 2022, kakaunti lang ang ibinunyag — isang maikling buod at petsa kung kailan magsisimula ang produksyon. Sunod-sunod na ang tanong sa digital sphere: “Sino ang nasa cast? Ano ang title? Gumagawa ba si Kendrick ng bagong musika para sa proyekto? May mga karakter ba mula sa South Park na gagawa ng special appearances? Kailan ito ipalalabas?”
Bagama’t may ilan sa mga tanong na ito ang nasagot kalaunan, dalawang beses nang matinding naantala ang pelikula nang walang malinaw na update tungkol sa estado ng produksyon. Para mas luminaw ang larawan, inilista namin ang lahat ng alam namin (at hindi pa namin alam) tungkol sa mailap na collab na ito.
Ang Alam Namin
May ilang detalye tungkol sa pelikula na opisyal nang nakumpirma mula nang ianunsyo ito. Pansamantala, pinamagatan ang proyekto na Whitney Springs, kung saan sina Lamar at Free ang producers sa ilalim ng kanilang pgLang banner, at sina Parker at Stone naman ang producers sa pamamagitan ng Park County. Si Parker rin ang uupo bilang director, at ito ang una niyang non-South Park film sa loob ng maraming dekada. Hindi alam ng marami, ito na pala ang ikalawang collaboration ng apat; ginamit nina Free at Dot ang AI startup studio nina Parker at Stone na Deep Voodoo para sa mga deepfake na nakikita natin ngayon sa music video ng “The Heart (Part 5).”
Samantala, ang matagal nang South Park writer at apat na beses nang nagwagi ng Emmy na si Vernon Chatman (ang nasa likod ng mga episode na “Margaritaville” at “Raising the Bar”) ang magsusulat ng script. Si Brian Robbins, President at CEO ng Paramount Pictures, ay tinawag ang script ni Chatman na “isa sa pinakanakakatawa at pinaka‑original na script” na nabasa niya.
Orihinal na nakatakda sanang magsimula ang produksyon ng proyekto noong Spring 2022, ayon sa unang anunsyo noong Enero 2022. Na-postpone ito nang dalawang mahabang taon dahil sa South Park creators at iba pa nilang commitments, at noong Abril 2024, ibinunyag ng studio na opisyal nang magsisimula ang produksyon pagdating ng summer. Dumaaan ang summer at natapos na ito, at saka pa lang totoong nagsimula ang produksyon noong Oktubre 2024 sa Pomona, California.
Ayon sa isang napakaikling synopsis na ibinahagi ng Paramount, ang Whitney Springs ay magkuwento tungkol sa isang batang Black man na nag-i-intern bilang slave reenactor sa isang living history museum. Doon niya natuklasan na ang mga ninuno ng kaniyang white na girlfriend ay dating may-ari sa mga ninuno niya, na nagbubunga ng isang kakaiba at absurdist na dinamiko. Kinumpirma sa unang anunsyo na magiging live-action comedy ang pelikula, pero isang Paramount Pictures‑affiliated marketing opportunity webpage ang nagbunyag na ang Whitney Springs ay magiging musical din. Pagkatapos ng theatrical release, mapapanood ang pelikula sa Paramount+.
Ang Hindi Pa Namin Alam
Kahit na ang Whitney Springs ay nasa post-production na ngayon, tikom pa rin ang bibig ng lahat ng kasali pagdating sa cast. Isang fan-captured footage lang mula sa produksyon ang lumabas hanggang ngayon, at wala pa itong ibinunyag na kahit ano. Sobrang low-key din ng cast ng pelikula na halos wala pang umiikot na tsismis tungkol sa kung sinu-sino sila. Ang pinakameron lang ay isang ulat na sina Heretic star Chloe East, Celeste Octavia at si Dot mismo ay kasama sa cast; nanggaling ang tsismis na ito sa isang listing sa New Zealand-based app na “Originals for Paramount+,” pero malinaw na nakasaad sa app na ito ay “not affiliated with, endorsed by or in any way associated with Paramount+ or its products and services.” Kung hindi pa iyon sapat na pahiwatig, dapat itong tanggapin nang may pagdududa.
Dahil musical ang genre ng pelikula at may balibalitang kasali si Lamar, sabik ding malaman ng fans kung siya rin ba ang mangunguna sa Whitney Springs soundtrack. Kung tama ang mga spekulasyon, hindi na ito unang beses para sa rapper. Siya ang gumawa at nag-curate ng soundtrack ng pelikula ni Ryan Coogler na Black Panther, at siya rin ang naghatid sa atin ng GRAMMY‑nominated na hiyas na “All the Stars.” Baka naman ang Whitney Springs ang magbigay sa atin ng part two.
May isyu rin tungkol sa title. Kahit na ang pelikula ay publikong tinatawag na Whitney Springs, hindi pa talaga kinukumpirma ng mga producer o ng studio ang opisyal na pamagat nito. Tulad ng cast, ang tentative title ay lumabas lang sa isang poster sa diumano’y “Originals for Paramount+” app. Tinanggal din ng app ang imahe, kaya naiwan ang titulong “Untitled Trey Parker/Matt Stone/Kendrick Lamar Comedy.” Wala pang sinuman ang kumikibo tungkol dito.
Kendrick Lamar’s movie “Whitney Springs, with, Chloe East, and Celeste Octavia, is set to release on July 11, as revealed by Paramount+.
“A Black man interning as a slave re-enactor at a living history museum finds out that his white girlfriend’s ancestors once owned his.” pic.twitter.com/pXnxBCFsT5
— POP GOSSIP (@TheePopGossip) March 5, 2025
Sa huli, narito tayo sa pinakamalaking tanong: kailan ilalabas ang Whitney Springs? Walang nakakaalam. Ang unang release date nito ay diumano’y nakatakda noong Hulyo 4, 2025 at ibinahagi mismo ni Stone sa isang 2024 Bloomberg Screentime panel, “We’re doing a movie with Kendrick, with Kendrick Lamar and Dave Free and their company. And we’re working on it and hopefully come out July 4 weekend opposite Jurassic Park, which is pretty funny.” Dagdag pa niya, “[Lamar is] very involved. And Dave Free is very involved. Every day they are working on it.”
Noong Marso 2025, iginiit naman ng “Originals for Paramount+” app na isang linggo itong naurong at magre-release na raw sa Hulyo 11. Ilang linggo lang ang lumipas, inanunsyo mismo ng Paramount na ang Whitney Springs ay ipagpapaliban sa Marso 20, 2026 mula sa orihinal na petsang Hulyo 4, 2025. Pagkatapos noon, puro katahimikan, hanggang sa noong Nobyembre 21, isang panibagong nakakalungkot na balita ang ibinulalas: ang Whitney Springs ay naantala na nang walang katiyakan kung kailan. Sa halip na maglaro pa ng hula-hula sa premiere date, pinili nilang tuluyang alisin ito sa schedule. Walang ibinigay na dahilan, pero nakakuha tayo ng 12-word statement mula kina Parker, Stone, Lamar at Free: “It’s true – we’re moving (again). We’re working hard at finishing the movie.”
‘South Park’ creators Trey Parker & Matt Stone’s new musical comedy movie, produced by Kendrick Lamar, has been delayed indefinitely
“It’s true – we’re moving (again). We’re working hard at finishing the movie” pic.twitter.com/lVFN3xPVwG
— DiscussingFilm (@DiscussingFilm) November 22, 2025
Apat na taon na ang lumipas mula nang unang ianunsyo ang Whitney Springs at mas marami pa ring tanong kaysa sagot. Pero nakaabang pa rin ang mga fan para sa mailap na proyektong ito, hinihintay ang bawat mumunting breadcrumb hanggang sa tuluyan na itong umabot sa mga sinehan. Kung tutuusin, lalo lang pinapainit ng pagiging misteryoso ng proyektong ito ang anticipation. Magli-live up kaya ang live-action comedy na ito sa hype? Kailangang hintayin natin at panoorin.



















