Sila na ba ang susunod na creative power couple—ang A24 at Dior? Iyan ang ipinahihiwatig ng bago nilang dalawang-taóng partnership. Inanunsyo ng French fashion house at entertainment label na magsasama sila para sa isang programang nakatuon sa karanasan sa New York, at gaganapin ang lahat sa Cherry Lane Theatre na suportado ng A24.
Inihayag ang balita tungkol sa partnership sa pamamagitan ng isang meta na maikling pelikulang idinirek ni Aidan Zamiri, kung saan nag-a-audition sina Sabrina Carpenter, Josh O’Connor, Drew Starkey, Camille Cottin, at Sophie Wilde para gumanap bilang walang iba kundi si Jonathan Anderson. Nag-uunahan para sa papel ng creative director ng Dior, ibinibigay ng bawat isa ang pinakamahusay nilang impersonation—naka-checkered na polo, maong, nakasuksok ang mga kamay sa bulsa, at kumpleto sa lahat ng detalye.
Mula nang muling buksan noong nakaraang taglagas, puno ang talaan ng mga pagtatanghal at ang mga upuan ng makasaysayang Off-Broadway venue. Tutal, ang Gen Z ang nagtutulak sa benta ng sinehan sa Estados Unidos, at naghahanap ang kabataan ng pakikipag-ugnayan sa mga buhay na espasyong pangkultura. Sa pagsali ng Dior bilang pangunahing partner ng Cherry Lane Theatre sa mga susunod na taon, layunin ng nalalapit na programa—na sumasaklaw sa fashion, pelikula, at teatro—na tugunan ito: pagdugtungin ang mga manonood at mga beterano’t umuusbong na alagad ng sining sa pamamagitan ng mga live na karanasan, nasa screen man o entablado, habang pinalalago ang mas malawak na creative community.
View this post on Instagram
Ayon kay Anderson, layon din ng partnership na paliitin ang agwat ng fashion at ng mga tagahanga nito sa pamamagitan ng mas personal na mga pagtatagpo at karanasan. “Tungkol ito sa pagpapakitang totoo ang isang brand,” sinabi niya sa The Financial Times. Ipinaliwanag niyang higit pa sa inaasahang red-carpet looks sa bawat season at mga bag na lumilitaw sa pelikula ang pagpasok sa “public imagination of the moment.” “Sa pamamagitan ng A24, pareho kaming naghahanap ng paraan upang makapasok sa cultural zeitgeist. Sa teatro ba? Sa blockbuster ba? Hindi namin malalaman iyon hangga’t hindi kami dumaraan sa isang proseso ng pag-eeksperimento upang tukuyin kung ano ang susunod.”
Ilulunsad ang kolaborasyon sa Cherry Lane Theatre sa pamamagitan ng “Both Ends,” isang produksiyong isang gabi lamang itatanghal upang ipagdiwang ang unang anibersaryo ng muling pagbubukas ng A24. Hango sa makata, mandudula, at co-founder ng Cherry Lane na si Edna St. Vincent Millay, isinulat ang produksiyon ni Justin Vivian Bond at iprinodyus at idinirek ni Zack Winokur. Kasali rin si Anderson bilang costume designer at magdadala siya ng isang archival garment ni Paul Poiret para kay Bond, na bibida sa “Both Ends.” Naging inspirasyon ang French designer kina Millay at Anderson para sa koleksiyong Taglagas/Taglamig 2026.
“Ito ang simula ng isang kapana-panabik na partnership na nakasentro sa mga alagad ng sining at pagkukuwento,” isinulat ni Anderson sa video ng anunsyo. “Kapag pinagtatabi mo ang dalawang mundong pinaiikot ng pagkamalikhain, makikita mo kung ano ang nahuhugot nila sa isa’t isa—mga bagay na hindi sana matatagpuan ng alinman sa kanila nang mag-isa. Doon nagaganap ang mga kawili-wiling bagay.”