Buod
Dadalin ni RM ng BTS ang kaniyang personal na koleksiyon ng sining sa SFMOMA.
Pagtatambalin sa eksibit ang modern at contemporary na sining mula Korea sa mga obra mula mismo sa koleksiyon ng museo.
Magbubukas ang “Between You and Me” sa Oktubre 3, 2026.
Mula sa pagiging pribado sa kanyang tahanan at studio, dadalhin ni RM ang kanyang ugnayan sa sining sa isang pangunahing museo. Itatampok ng lider ng BTS ang mga obra mula sa kanyang personal na koleksyon sa RM x SFMOMA: Between You and Me, na magbubukas sa San Francisco Museum of Modern Art ngayong taglagas.
Ito ang kauna-unahang pagtatanghal sa museo na ilalaan sa mga obrang kinolekta ni RM, na isinilang bilang Kim Namjoon. Kasamang kukurador ni RM sina América Castillo at Hyoeun Kim ng SFMOMA para sa eksibisyong magtitipon ng 200 obra mula sa kanyang koleksyon at sa koleksyon ng museo. Marami sa mga obrang Koreano rito ang hindi pa kailanman naipakita sa publiko sa Estados Unidos.
Bagaman mas kilala bilang lider, rapper, at manunulat ng kanta ng BTS, naging mahalagang tagapagtaguyod si RM ng sining ng Korea. Sumasalamin ang kanyang koleksyon sa isang personal at mapagnilay na pagtanaw, na pinag-uugnay ang mahahalagang personalidad ng modernismong Koreano at mga kontemporaryong praktika mula sa Korea at iba pang bansa.
Kabilang sa mga artistang nasa koleksyon ni RM sina Yun Hyong-keun, Park Rehyun, Kwon Okyon, Kim Yun Shin, To Sangbong, at Chang Ucchin. Itatampok ang kanilang mga obra kasama ng piling gawa mula sa koleksyon ng SFMOMA nina Kim Whanki, Mark Rothko, Agnes Martin, Henri Matisse, Georgia O’Keeffe, at Paul Klee.
Sa halip na iharap ang koleksyon bilang larawan ng pagmamay-ari ng isang celebrity, itinatampok ng Between You and Me ang emosyonal at intelektuwal na ugnayang nabubuo sa pagitan ng isang tao at ng isang obra. Susuriin ng eksibisyon ang mga ideyang paulit-ulit na lumilitaw sa iba’t ibang henerasyon at heograpiya—sa pagitan ng Korea at Estados Unidos, Silangan at Kanluran, at ng personal at unibersal.
“Ayokong diktahan kung paano dapat tingnan ang mga obrang ito,” sabi ni RM tungkol sa eksibisyon. Umaasa siyang maaari itong maging isang “maliit pero matibay na tulay” para sa mga bisita.
RM x SFMOMA: Between You and Me ay eksklusibong matutunghayan sa SFMOMA mula Oktubre 3, 2026 hanggang Pebrero 7, 2027. Magiging available ang mga tiket para sa mga miyembro simula Agosto 4, bago ito buksan sa pangkalahatang publiko sa Agosto 11.
SFMOMA
151 3rd Street
San Francisco, CA 94103



