Buod
Ipinakikilala nina USM at Armando Cabral ang kanilang ikalawang koleksiyon, ang "NKYINKYIM A CASA," isang eight-piece na modular furniture range.
Pinagpares ng mga disenyo ang mga estruktura ng USM Haller sa mga hinabing kamay na Portuguese woolen textiles mula Fabricaal. Kabilang sa mga tampok ang Bassarel love chair, Lily daybed at Manjak chairs.
Muling nagsanib-puwersa ang Swiss modular furniture pioneer na USM at ang designer na si Armando Cabral para ilunsad ang koleksiyong “NKYINKYIM A CASA,” ang ikalawang yugto ng patuloy nilang kolaborasyon mula nang una itong ilunsad noong 2025. Hango ang pangalan nito sa simbolong Adinkra ng Ghana na kumakatawan sa pagbabago, paglago at pag-usad na hindi tuwid ang landas. Sinisiyasat ng proyekto kung paanong maisasalin ng disenyo ang alaala ng kultura sa iba’t ibang lugar at henerasyon. Batay sa personal na paglalakbay ni Cabral sa Ginea-Bissau, Portugal, Londres at New York, inilalarawan ng koleksiyon ang tahanan hindi bilang isang nakapirming espasyo, kundi bilang isang dinamiko at buhay na sistemang nakasentro sa pagtitipon, ritwal at pagkukuwento.
Nagdadala ang walong-pirasong koleksiyong ito ng init at teksturang mas pantao sa walang kupas na Haller modular system ng USM, sa pamamagitan ng pagsasama ng makasaysayang tradisyon ng mga materyales mula Portugal. Para mapag-isa ang industriyal na presisyon at pamana ng paggawa-kamay, nakipagtulungan si Cabral sa Fabricaal, isang tradisyonal na pagawaan ng tela sa Portugal. Binihisan ng Fabricaal ng makukulay na telang lana ang ilan sa mahahalagang disenyo ng upuan. Hango ang mga tela sa mayayamang paleta ng kulay at mga daantaon nang teknik sa paghahabi ng rehiyong Alentejo sa Portugal, na nagsisilbing tulay sa pagitan ng Swiss na inhinyeriyang pang-estruktura at artisanal na produksiyon ng tela.
Tumutuon ang koleksiyon sa iba’t ibang praktikal na pangangailangan sa tahanan. Tampok dito ang mga natatanging upuan, kabilang ang Bassarel love chair na idinisenyo para sa malapitang interaksiyon, at ang malapad na Lily daybed na nagsisilbing kapansin-pansing sentro ng sala. Kumukumpleto sa hanay ng mga upuan ang Manjak at Manjak Mini chairs. Samantala, para sa imbakan at pagtatanghal, narito ang mga pirasong may arkitektural na dating gaya ng Banu credenza, Arkad sidetable, Uno bookcase at eskultural na Nkyinkyim bookshelf. Binibigyang-diin ng bawat disenyo ang kakayahang umangkop ng modular na sistema at estruktura, kaya nagbabago rin ang mga piraso kasabay ng mga taong gumagamit nito.
Simbolikong idinaos ang unang pagpapakita ng koleksiyon sa Sala dos Geradores ng MAAT Central sa Lisabon, bago ito dinala sa Lungsod ng New York para sa pandaigdigang presentasyon. Kasalukuyang nakaatanghal ang “NKYINKYIM A CASA” sa pangunahing showroom ng USM sa 28–30 Greene Street sa Soho.
View this post on Instagram