Sa Milan ngayong taon, naging tampok si Andrea Branzi sa dalawang malalaking palabas. Ang una ay sa Triennale museum ng lungsod, at ang ikalawa naman ay isang presentasyon ng kaniyang naglalakihang lighting sculpture sa mas maliit na gallery.
Mula nang pumanaw ang Italian architect at designer noong 2023, tila buong industriya ang nagsimulang magbalik-tanaw sa naging impluwensya niya. “Hindi siya natakot na baguhin ang isip niya sa gitna ng kaniyang karera,” sabi ni Deyan Sudjic, ang curator sa likod ng show na “Objects That Speak, a Conversation Continued with Andrea Branzi.” “Kaya niyang umeksenang pareho sa industriyal na mundo at sa mundo ng fashion.”
At kahit ipinanganak si Branzi noong 1930s, lalo pang naging mahalaga ngayon ang kakayahan niyang tumawid sa iba’t ibang hangganan. Hindi na lang tungkol sa furniture launches ang mga design week; isa na itong masiglang pinagpupulong ng sari-saring disiplina na sabay-sabay gumagamit ng design bilang daluyan ng komunikasyon.
Ito mismo ang dahilan kung bakit pinili ng Rosewood, ang organiser ng exhibition, na lumahok sa kultural na sandaling ito. “Ang lokal na kultura at kasaysayan ang tumitibok na puso ng aming design process,” sabi ni Trish Luyckx, Chief Design Officer ng Rosewood. “Sila ang gabay namin sa bawat desisyon, mula sa materyales na pinipili namin hanggang sa mga kuwentong hinahabi namin sa loob ng espasyo.
Bilang pagpupugay sa kakayahan ni Branzi na maglaro sa iba’t ibang genre, itinambal sa show ang mga gawa niya sa mga obra ng mga kontemporaryong artist at designer.
Sa loob ng madilim na espasyo, labing-lima sa kaniyang mga domed lamp ang nakatindig nang mataas mula sa sahig, bawat isa’y may sariling pattern at tekstura na ibinubunyag ng liwanag sa loob. Nagsasalita ang mga ito ng mas masining na porma ng design na, ayon kay Sudjic, ay likas sa kaniyang trabaho. “Lumampas si Branzi sa nakasanayang pagtingin sa design bilang purong functional; para sa kaniya, kasinghalaga ng paglatag ng mga tanong ang pagbibigay ng mga sagot,” dagdag niya. “Sinuri niya kung paano tayo nagtatrabaho at namumuhay, at ang emosyonal na koneksiyong mayroon tayo sa ating mga pag-aari.”
Samantala, sa Triennale, inilalahad naman ng “Andrea Branzi by Toyo Ito. Continuous Present” ang mga gawa niya sa pamamagitan ng lente ng Japanese architect.
Pinagtipon-tipon ng show ang mahigit 400 na gawa, na hinati sa tematikong mga seksiyon sa halip na ayon sa kronolohiyang pagkakasunod, bilang pagpupugay kay Branzi bilang isang thinker at akademiko.
“Ang panahong ginagalawan ni Andrea Branzi ang golden age ng Italian design. Panahon iyon ng mga star architect at designer tulad nina Marco Zanuso, Ettore Sottsass, Vico Magistretti, Gae Aulenti, Alessandro Mendini, at Achille Castiglioni, na pawang nasa rurok ng kanilang mga karera,” sabi ni Ito.
“Sa hanay na iyon, si Andrea lang talaga ang mas maituturing na thinker kaysa architect o designer,” pagpapatuloy niya. “Sa tingin ko, para sa kaniya, ang pagdidisenyo ng aktuwal na mga gusali o muwebles ay isa lamang walang saysay na pagsisikap. Dahil dito, hindi siya kailanman sumabak sa isang design project para lang sa mismong design sa buong buhay niya.”
Sa panahong tila lahat ay panandalian at ang creativity ay madalas umiiral na lang para sa dikta ng algorithm, maaaring magbukas ang paraan ng pag-iisip ni Branzi ng ibang paraan ng pagtatrabaho para sa mga bagong sibol na designer. Higit pa sa mga aktibong lumilikha, maaari rin nitong hikayatin ang mga tagahanga ng design na tumingin lampas sa porma ng isang bagay, at piliing makipag-ugnayan sa isang obra dahil sa prosesong pinagmulan nito o sa mensaheng dala-dala nito.
Iyan, ayon kay Sudjic, ang dahilan kung bakit siya isang taong dapat nating lahat makilala.
“Pinanatili ni Branzi ang malalim na kuryosidad at ang pagtutol sa basta-bastang pagtanggap sa nakasanayang ‘karunungan’—mga katangiang patuloy na malakas ang dating sa mga bagong henerasyon,” sabi niya.
Naganap ang “Objects That Speak” noong Milan Design Week, samantalang nagpapatuloy ang “Andrea Branzi by Toyo Ito. Continuous Present” hanggang Oktubre 4.



