Mga Ulo ni Basquiat Bibida sa Bagong Tanging Eksibit
Mapapanood na ngayon ang ‘Headstrong – Basquiat on Paper’ sa Louisiana Museum of Modern Art sa Denmark.
Buod
- Magbubukas ang Louisiana Museum of Modern Art ng kauna-unahang komprehensibong exhibit na nakatuon sa paglalarawan ni Jean-Michel Basquiat ng mga ulo
- Tampok ang 45 obra, nakapokus ang eksibisyon sa mga taong 1981–1983—mga kritikal na taon ng paglikha—at nag-aalok ito ng mas malalim na pag-unawa sa masaganang motibong ito habang sinusuri ang papel nito sa kanyang buhay at trabaho
Matapos siyang ma-ospital dahil sa isang aksidente sa sasakyan noong kabataan niya, niregaluhan ang pitong taong gulang na si Jean-Michel Basquiat ng isang kopya ng Gray’s Anatomy, isang medikal na sangguniang aklat, mula sa kanyang ina. Sa kabuuan ng kanyang buhay at praktis, iningatan ng artista ang malalim na pagkahumaling sa anatomiya at agham, kaya nang tanungin si Basquiat—noon ay 22 taong gulang—kung paano siya karaniwang nagsisimula ng pagpipinta, simple lang ang sagot niya: “Siguro magsisimula ako sa isang ulo.”
Isang bagong eksibisyon sa Louisiana Museum of Modern Art sa Denmark ang naglalagay ng spotlight sa aspetong ito ng oeuvre ng artista sa Headstrong, ang unang komprehensibong showcase na nakatuon sa mga ulo ni Basquiat. Mapapanood mula Enero 30 hanggang Mayo 17, nakatuon ang eksibisyon sa mga taong ginawa ang mga piyesang ito, 1981–1983, na malawakan nang kinikilalang ilan sa pinaka-produktibo at pinaka-eksperimental na yugto ng kanyang karera.
Naglalakbay mula sa caricaturesque hanggang abstract at anatomical, sinusuri ng mga obrang ito ang tensyon sa pagitan ng panlabas na anyo at isipan, at sama-samang iginuguhit ang malawak na spectrum ng emosyon at identidad—mula sa halos di-nakikitang pag-iral hanggang sa epekto ng mismong pag-akyat ni Basquiat sa art superstardom.
Mahalagang papel ang ginampanan ng works on paper sa praktis ni Basquiat, at ang mga drawing sa Headstrong,na karamihan ay ginawa gamit ang matitingkad na oil stick, ay namumukod-tangi dahil sa kanilang tindi, agarang presensya, at kilos. May bakas ng alikabok at yapak ng sapatos, tinapos ang mga piyesang ito sa sahig at nanatiling pribado sa malaking bahagi ng kanyang buhay. Sama-sama, nag-aalok sila ng bihirang sulyap sa ebolusyon ng iisang motibo habang binubuksan ang mga tanong tungkol sa personal at konseptuwal na papel nito para sa artista.
Gaya ng isinulat ni Sophia Heriveaux, pamangkin ng artista, sa bagong libro ng No More Rulers na Jean-Michel Basquiat: The Head – The Mind, inaanyayahan ng mga obrang ito ang manonood na makipag-ugnayan kay Basquiat hindi bilang isang alamat, kundi bilang isang “kapuwa isipan,” at nagbubukas ito ng espasyo para muling pag-isipan kung paano sila nakaugnay sa mas malawak niyang pag-usisa sa kapangyarihan, lahi, at representasyon sa panahong kakaunti lamang ang visibility na naibibigay sa mga Black na artista.
Isang kaugnay na Headstrong catalogue ang magiging available sa pamamagitan ng museo, tampok ang mga bagong panayam sa mga kontemporaryong artista na sina Arthur Jafa, Julie Mehretu, Dana Schutz at Alvaro Barrington, kasama si George Condo, kaibigan at kapanahon ni Basquiat. Dumiretso sa website ng museo para sa karagdagang detalye tungkol sa show.
Louisiana Museum of Modern Art
Gl Strandvej 13,
3050 Humlebæk,
Denmark



















