Buod
- Pinagtagpo sa presentasyon ang modernong arkitektura at ang eskulturang likha ni Yuko Nishikawa, isang artistang nakabase sa Brooklyn.
- Hinubog ni Nishikawa ang mga piyesang tulad ng laser-cut titanium at precision-milled acetate bilang isang serye ng maririkit at kinetic na eskultura.
Nagpasinaya ang Danish eyewear label na Lindberg ng isang espesyal na instalasyon sa Armory Show 2025 sa Javits Center, New York City. Dito, nagsanib ang modernong arkitektura at ang sculptural na sining ng Brooklyn-based artist na si Yuko Nishikawa. Sa loob ng espasyo, tampok din ang koleksiyong sunglasses ng brand para sa Spring/Summer 2025, kung saan muling hinubog ng artist ang pangunahing materyales nito bilang mga bago at maririkit na nakabitin na mobile.
Mas partikular, hinubog ni Nishikawa ang mga elementong tulad ng laser-cut titanium at precision-milled acetate para maging hanay ng pinong kinetic na eskultura. Nakasabit sa maninipis na kawad, sinasaliksik ng mga lumulutang na mobile ang konsepto ng liwanag, kulay at bigat, habang sinasalamin ang minimalistang porma ng ikoniko nilang wire frames.
Sa kaniyang praktika, lumilikha si Nishikawa ng mga surrealistang tanawin na binubuo ng makukulay at tekstural na porma. Naninindigan sa isang hands-on na proseso, pinapanday niya ang masisiglang mobile, eskultura, painting at ilaw gamit ang iba’t ibang materyal—mula sa nire-recycle na papel at lumang lente ng salamin hanggang sa luwad, kawad at sari-saring tela.
Magaganap ang Armory Show mula 5 hanggang 7 Setyembre.
The Armory Show
429 11th Ave.
New York, NY 10001