Ipinapaalala sa atin ng Who Decides War ang isang napakahalagang aral para sa koleksiyong Spring/Summer 2026 nito: “Read the Room.” Ayon kay Téla D’Amore bago magsimula ang show, isinilang ang koleksiyong ito kasunod ng isa sa pinakamabibigat na taon nila—para sa kanya, kay Ev Bravado, at sa buong mundo.
Hinugot nina D’Amore at Bravado ang inspirasyon mula sa “decay” na nakapaligid sa atin, ginagawang obra ang ganda ng pagkawasak at ang paglipat mula sa “collapse and ruins” patungo sa “regrowth and renewal.” Binuo nila ang isang gothic na dreamscape na punô ng sanggunian sa guho ng mga pader, lumang chandelier at kupas na wallpaper. Live na musika ang handog ni Leon Thomas, na pumuwesto sa gitna ng isang bodega sa Brooklyn para tumugtog ng halo-halong hit at bagong kanta (kasama siyempre ang “MUTT” para sa huling carousel).
“Pagmumuni sa kalagayan ng mundo ngayon—pero hindi sa sobrang literal na paraan—iyon talaga ang punto,” kuwento ni D’Amore bago magsimula ang show habang walang kahirap-hirap na nagmu-multitask, sinisiguro na ang bawat pinatuyong bulaklak na siya mismo ang nangolekta—karamihan ay inabot sa kanya sa mga pinakamataas at pinakamababang sandali ng buhay—ay maayos na nakaayos sa isa sa mga huling look.
“Maraming pinaghuhugutan dito. Hindi naman ito ‘read between the lines,’ ang mahalaga ay kung ano ang nahuhugot mo,” dagdag pa niya, binibigyang-diin na nagsasapawan ang sarili niyang paghihirap at ang kolektibong karanasan ng sangkatauhan bilang sentrong kuwento ng “Read the Room.”
Bilang pagninilay sa kung ano ang naiiwan kapag humupa na ang alikabok, ang koleksiyong ito ay isang matalim na kurasyon ng ilan sa pinaka-kapansin-pansing tailoring ng Who Decides War hanggang ngayon. Para kay Bravado, ito rin ang pinaka-tapat sa kanilang pagkakakilanlan.
Tingnan ang post na ito sa Instagram
“Sa mga nakaraang koleksiyon, pakiramdam ko hindi naman talaga para sa sarili ko ang ginagawa ko, pero ngayong season, ganito ako gustong manamit,” kuwento niya sa backstage. “Maraming bagong tailoring—mas slim ang mga silhouette kaysa sa nakasanayan namin. Ito rin ang pinakatinutukan namin pagdating sa mga tela at paggawa.”
Tinukoy din ni D’Amore ang womenswear nang matanong siya tungkol sa paborito niyang mga piraso, at sinabing bagama’t matagal nang malaki ang impluwensiya nito sa brand, ngayong season ay naging lubos na “non-negotiable” ang pagtuon dito.
“Matagal na naming pinaghuhugutan ng inspirasyon ang womenswear at ang kababaihan sa pangkalahatan, at ngayon, hindi na puwedeng hindi namin pag-usapan ito nang mas malalim—sa wakas. Palagi kasi naming ibinubuhos ang malaking enerhiya sa pagbuo ng menswear, kaya ngayong season, siniguro naming kayang tapatan—kung hindi man lampasan—ng womenswear ang antas nito.”
Silipin nang mas malapitan ang kaakit-akit na bagong ready-to-wear nina D’Amore at Bravado sa mga runway image sa itaas, at manatiling naka-abang sa Hypebeast para sa tuloy-tuloy na New York Fashion Week coverage.



