Buod
- Bumagsak ng halos 20 porsyento ang kita ng Sotheby’s noong 2024, at nagtala ito ng US$248-milyong pagkalugi bago buwis habang nanlalamig ang art market.
- Nakaseguro ang Sotheby’s ng US$909-milyong puhunan mula sa ADQ ng Abu Dhabi para mabawasan ang utang at makabili ng bagong gusali sa Madison Avenue.
Matindi ang taon para sa nangungunang blue-chip auction house ng art world. Ang 280-taong-gulang na Sotheby’s—na nagbebenta ng lahat mula sa mga Picasso hanggang Patek Philippe—ay bumagsak ng halos 20 % ang kita noong 2024, hudyat na kumonti ang mga kolektor na bumibili ng luho at fine art, kaya matindi rin ang tama sa bahay-subasta.
Batay sa mga dokumentong isinumite sa Luxembourg, pumasok lamang sa US$1.13 bilyon ang revenue ng Sotheby’s noong 2024, mas mababa kaysa US$1.36 bilyon noong 2023. Agad namang lumobo ang pagkalugi: nasa US$248 milyon ang pre-tax deficit—mahigit doble ng US$106-milyong talo noong nakaraang taon.
Ano nga ba ang nangyari? Kumitid ang kita sa komisyon at iba pang bayarin—ang bread-and-butter ng Sotheby’s—dahil kumalma ang mga big-ticket auction, ayon sa Business of Fashion. Matamlay ang pandaigdigang art market at ramdam ito kahit ng higanteng Sotheby’s. Para makabawi, noong nakaraang taon ay binili ng sovereign wealth fund ng Abu Dhabi na ADQ ang 24 % na bahagi sa halagang US$909 milyon. Ipinambayad ng Sotheby’s sa utang at sa pagbili ng bagong gusali sa Madison Avenue sa New York ang pondong ito, dagdag pa sa top-up mula sa may-ari nitong si Patrick Drahi.
Sa mas malaking larawan, hindi na lang paghampas ng gavel ang kabuhayan ng Sotheby’s. Nagpapautang na rin sila laban sa sining, naglalaro sa real estate, at sumasandal sa ultra-wealthy backers para makatawid sa unos. Ngunit habang patuloy na dumudulas ang sales, marami ang nagtatanong: makasasabay pa kaya ang klasikong bahay-subasta sa mundong pinapatakbo na ng hype culture at social media?