Mabuhay ang Hari: Binalikan ni LeBron James ang Paglalakbay na Nagpabago sa Kanyang Buhay

Eksklusibong nakausap ng Hypebeast si King James tungkol sa blueprint ng kanyang paghahari at kung paanong isinasalaysay ng LeBron 23 ang kanyang pamana.

Sapatos
6.1K 3 Mga Komento

Nag-aalab ang enerhiya sa masiglang Shanghai, pero biglang napalitan ang ingay ng sabayang hingal at pagkamangha nang tumapak sa entablado si LeBron James—ang tinaguriang Hari—sa House of King James, isang espasyong itinayo upang parangalan ang kanyang napakalaking pamana. Agad naghari ang kanyang presensiya, nagpatahimik sa buong crowd. Sa harap ng isang nakamamanghang eksibit ng 23 huwarang sandali ng kanyang karera, kalakip ng eksklusibong silip sa mga paparating na sneaker capsule at release, huminto si LeBron upang balikan ang paglalakbay na lumampas sa laro at naging pamana. Narito siya hindi lang para ilunsad ang LeBron 23—ang sapatos na sumasagisag sa kanyang ika-23 season—kundi para suriin ang paglalakbay na naghubog sa kanyang buhay. Itinuturing man siya ng mundo bilang basketball icon at cultural architect, para kay LeBron, ang pundasyon ng lahat ng tagumpay niya, noon at ngayon, ay ang pamilya.

Nagbago na ang kahulugan ng tagumpay para sa kanya: mula sa tropeo at rekord, tungo sa kaligayahan ng kanyang mga anak. Aniya, hindi maihihiwalay ang kanyang paglalakbay sa pag-ibig at suporta ng pamilya. Ang mga halagang itinuro sa kanya bilang batang galing Akron ang humubog sa kanya bilang global icon, ngunit nananatiling nakatanim sa kanya ang mga aral na nais niyang ipamana sa tatlo niyang anak.

Para kay LeBron, ang basketball ay natural na ekstensiyon ng pamilya—isang kasangkapang pang-kuwento, tulay sa mga komunidad sa buong mundo, at daluyan ng inspirasyon para sa bagong henerasyon. Para sa kanya, ang tunay na kampeon ay yaong nagbabangon ng iba, ginagamit ang plataporma para sa kabutihan, at lumilikha ng pamana na mas malaki kaysa sa sarili. “Kabiguan iyon,” aniya, “kung umiikot lang sa akin ang aking pamana.”

Nakapanayam ng Hypebeast si LeBron James sa isang eksklusibong usapan kung saan binalikan niya ang kanyang paglalakbay at ibinahagi ang mga pangunahing pagpapahalagang humubog sa kanyang pamana.

Hypebeast: Ilulunsad mo ang LeBron 23 dito sa Shanghai bago ang iyong ika-23 season—isang perpektong pagtatagpo ng mga numero. Ano ang kahulugan ng sapatos na ito para sa iyo?

LeBron James:Ang sapatos na ito ang sumasagisag sa sipag, dedikasyon at sa hindi matatawarang storytelling ng aking karera. Iniaalay ko ito sa lahat ng tagahanga at sa bawat taong naging bahagi ng kuwento. Malaking numero para sa akin ang 23, kaya ito ang ipinagdiriwang namin ngayon.

Paano isinasalaysay ng sapatos na ito ang ebolusyon ng basketball sa nakalipas na dalawampung taon o higit pa?

Pagdating sa ebolusyon ng basketball nitong mahigit dalawampung taon, nariyan ako sa bawat yugto. Nasaksihan ko kung paanong paulit-ulit na nagbabago ang laro para sa ikabubuti ng lahat. Mula sa Zoom Generation noong 2003 hanggang sa LeBron 23s ng 2026—sobrang astig. Pakiramdam ko magiging pambihirang taon ito, at minsan ay nauubusan ako ng salita. Ang simpleng nakaupo rito, hawak ang sarili kong signature shoe, at maalalang naka-23 na modelo na ako… kakaiba at tunay na epic.

Paano nire-representa ng bawat colorway ang isang mahalagang sandali ng iyong paglalakbay, at alin sa mga sandaling iyon ang pinakamatimbang para sa iyo?

Sa ngayon, ang colorway na nakikita mo ay tinatawag na “Uncharted.” Ipinagdiriwang nito ang 40K—isang milestone na wala pang nakakamit sa kasaysayan ng NBA—nang malampasan ko ang 40,000 puntos. Monumental ang ginintuang tema nito, na may kumikislap na tints ng royalty blue, gold at green.

May 23 colorways kami ngayong taon—23 kuwento na pawang mahahalagang sandali ng aking karera, on-court man o off-court. Ang hirap talagang mamili ng 23 lang; may ilang gusto ko pa sanang isama pero ayos lang, mahaba pa naman ang panahon. Ang mahalaga, patuloy pa ring kasama sa biyahe ko ang lahat ng naging bahagi nito. At ‘yung mga capsule na ilalabas namin… sobrang exciting, at grabe ang hype ko.

Paulit-ulit mong nire-reinvent ang sarili mo sa court—mula sa pagiging prodigy, naging lider, at ngayon, ang elder statesman. Kung babalikan mo ang mga ugat mo sa Akron, ano ang pangunahing aral mula roon na nanatili at naging gabay mo sa buong biyahe?

Hindi ako umaalis ng bahay nang hindi ko dala ang bawat aral mula sa Akron, Ohio. Literal na pinalaki ako ng lungsod na ‘yon araw-araw. Hinding-hindi ko malilimutan ang pagiging batang lumaki sa inner city at ang mga pagsubok na dinaanan ko. ‘Yung mga hirap na ‘yon ang humubog sa akin sa kung sino ako ngayon. Bahagi iyon ng dahilan kung bakit kilala ako sa buong mundo—pero nagsimula ang lahat sa munting Akron. Nakatatak iyon sa aking DNA at hindi na mawawala. Habang buhay ko itong dala.

Sa mga sandaling ganito, na nakakakonekta ka sa mga tagahanga sa Shanghai, paano nito naaapektuhan ang pananaw mo tungkol sa iyong sariling pamana at sa abot nito lampas sa NBA?

Ang paglalakbay ko ay hindi lang tungkol sa akin. Kaya gusto kong patuloy na magbigay-galang sa bawat lugar na naging bahagi ng biyahe ko. Bilang batang lumaki sa inner city ng Akron, Ohio, makarating dito sa Shanghai—libu-libong milya ang layo—at makapag-inspire ng kabataan at komunidad ay sobrang nakapagpapakumbaba at nakakataba ng puso.

Ang sarap sa pakiramdam na mapasama sa ganitong posisyon. Kaya tangan ko ang responsibilidad na ‘yan—ayokong tawagin itong pressure—dala ko ito nang buong pagmamalaki dahil alam kong ang paglalakbay na ito ay lampas sa akin.

Higit ka pa sa isang manlalaro ng basketball; isa ka nang cultural architect. Kapag pinagninilayan mo ang monumental mong impluwensiya, aling bahagi ng kulturang tinulungan mong likhain ang inaasahan mong mag-iiwan ng pinakamatagal na bakas?

Wow, alin nga ba? Siguro ‘yung bahagi ng komunidad—ang aking mga gawaing pang-kawanggawa. Ang maabot ang mga komunidad, lalo na ‘yung pinagmulan ko, at baguhin ang hitsura nila kumpara kahapon para sa mas malaking kabutihan.

Gusto ko ring ipagpatuloy ang mahusay na storytelling kasama ang mga kumpanya namin—Uninterrupted at SpringHill—para maihatid ang mga kuwento hanggang mismong sala ng mga tao at magbigay ng init at positibong vibes. Siyempre, gusto ko ring patuloy na mag-inspire sa loob mismo ng bahay ko—sa tatlo kong anak na sabik tuklasin ang mundo. Nawa’y naroon ako bilang gabay at sandigan nila, ng asawa ko, ng nanay ko, ng lahat. Kung pag-uusapan man ang pamana ko, sana mas malaki ito kaysa sa akin; kabiguan kung tungkol lang ito sa akin.

Habang pinapanood ng mundo ang iyong mga anak na sina Bronny at Bryce sa pagsisimula ng sarili nilang basketball journey, ano ang nais mong matutunan nila mula sa mahabang taon mo sa liga?

Para sa akin, pagdating sa pagiging natatangi, sila mismo ang dapat mag-ukit ng sariling landas. Sana may makuha silang aral mula sa akin, pero alam kong magkakaiba ang biyahe ng bawat isa papunta sa tagumpay at kasiyahan. Hiling ko lang na sa lahat ng nasaksihan nila sa akin ay tumimo sa kanila ang kabaitan, sipag, determinasyon, kakayahang humarap sa pagsubok, at higit sa lahat, ang pagiging totoo sa sarili.

Naniniwala akong magkakaiba tayo. Walang sinumang maaaring maging ikaw—puwedeng subukan, puwedeng sabihan ka kung ano ka dapat, pero sa dulo, ang pinakamainam na magagawa mo ay maging sarili mong bersyon. Sana maunawaan nila na iyon ang pinakamahalaga.

Nakamit mo na ang higit pa sa nagagawa ng karamihan sa buong buhay nila at naranasan mo ang tagumpay sa pinakamataas na antas. Kung babalikan mo ang depinisyon mo ng tagumpay sa umpisa ng iyong karera, nagbago ba ito ngayon? Ano ang tagumpay para kay LeBron James sa kasalukuyan?

Wow, malayo na ito sa iniisip kong tagumpay noong nagsisimula ako. Nadagdagan na rin ang mga anak ko, kaya ngayon, sinusukat ko ang tagumpay sa kung paano sila uunlad—kung nabigyan ba sila ng nanay at tatay nila ng tamang layunin, core values at life lessons para harapin ang totoong mundo, magtagumpay at maging masaya. ‘Yan ang tagumpay para sa akin.

Basahin ang Buong Artikulo