Buod
- Ang “Golden” ng HUNTR/X mula sa “KPop Demon Hunters” ng Netflix ay nanguna sa Billboard Hot 100 nang anim na magkakasunod na linggo
- Ito na ang kantang soundtrack na pinakamahabang nanatili sa No. 1 ngayong dekada, tinalo ang “We Don’t Talk About Bruno”.
- Ang “Golden” din ang unang kanta ng isang K-pop-associated female group at animated group na nanatiling No. 1 nang ganito katagal.
Sumusulat ng kasaysayan ang HUNTR/X sa pamamagitan ng “Golden,” ang viral hit mula sa Netflix na seryeng “KPop Demon Hunters”, na nananatiling No. 1 sa Billboard Hot 100 sa ikaanim na sunod-sunod na linggo. Dahil dito, ito na ang soundtrack song na pinakamahabang naghari ngayong dekada.
Nalampasan ng “Golden” ang ensemble anthem ng “Encanto” na “We Don’t Talk About Bruno,” na nanguna sa chart nang limang linggo noong 2022. Ang nag-iisang soundtrack song na mas mahaba ang pamamayagpag mula 2015 ay “See You Again” ni Wiz Khalifa, tampok si Charlie Puth, mula sa “Fast & Furious 7,” na nanatili sa No. 1 nang 12 linggo.
Binigyang-buhay nina EJAE, Audrey Nuna at REI AMI ang “Golden,” na nagkorona sa HUNTR/X bilang unang K-pop-associated female group na umabot sa No. 1 ng Hot 100 nang inilabas ito noong Agosto. Higit pa rito, sila rin ang kaisa-isang animated group na nanatili sa tuktok nang ganito katagal sa 67-taóng kasaysayan ng chart. Nagningning din ang iba pang kanta sa soundtrack, kung saan tatlo ang sabay-sabay na nasa top 10 ng Hot 100 sa ikalimang linggo—ang “Soda Pop” ng Saja Boys sa No. 5, “Your Idol” sa No. 6, at “How It’s Done” ng HUNTR/X sa No. 8.