Kaya Ba ng Damit Natin ang Init ng Climate Change?

Can Our Clothes Keep Up With Climate Change?
Carl Jan Cruz/Renzo Navarro

Sa iba’t ibang sulok ng mundo, ang mga dating komportableng preskong klima—mula Atlantic hanggang Pacific—ay nagiging mas mainit at maalinsangan. Sobrang init ng tag-init 2025—pinakamainit na naitala—pero handa na ba ang ating mga damit para suungin ang alinsangan?

Noong 2020, inilipat ng U.S. National Climate Assessment ang klima ng New York City mula “coastal temperate” patungong “humid subtropical.” Ngayon, ramdam na ramdam ito ng lungsod: isang heatwave nitong Hunyo ang nag-rehistro ng pinakamainit na araw mula pa noong Hulyo 2012, ayon sa National Weather Service.

Habang lalo pang umiinit ang planeta dahil sa gawain ng tao, kulang—at madalas ay nakadaragdag pa sa problema—ang tugon ng fashion sa pangangailangang mag-regulate ng temperatura. Patuloy na umaasa ang karamihan sa mga brand sa telang gawa sa fossil fuel para makalikha ng “cooling” at moisture-wicking na damit, na sa proseso ay nagbubuga ng nakasasamang emisyon at, kalaunan, naglalaglag ng mikroplastik sa karagatan.

Bagama’t hindi sasapat ang simpleng pagbabago ng ating pananamit para resolbahin ang pag-init ng mundo, hinihingi ng kasalukuyang realidad ang climate-conscious na fashion sa dalawang paraan: una, dapat bawasan ng mga brand ang environmental footprint ng kanilang produksyon; ikalawa, kailangan nilang unahin ang ginhawa ng nagsusuot habang patuloy na nag-iiba ang klima.

Higit pa sa pag-develop ng mga bio-based na kapalit ng polyester, mahalagang balikan ang mga kasuotang hinubog ng init sa mga bansang nasa ekwador. Di tulad ng NYC, na nag-iinit pa lang nitong mga nagdaang dekada, ang mga tropikong kultura ay sanay na sa buong-taóng init sa loob ng libong taon.

Tela Bilang Kasuotan

Noong Are Clothes Modern (1947), isinulat ng kilalang design historian na si Bernard Rudofsky na noong sinaunang panahon, “ang tela mismo ang kasuotan” at “magkaisa ang materyal at ang tapos na produkto.” Binanggit pa niya ang isang sinaunang kasuotan na nananatili hanggang ngayon sa Timog at Timog-Silangang Asya: ang “sarong” sa Malay, “malong” sa Filipino, “dhoti” sa Hindi, at “lungi” sa Urdu, kasama pa ang iba pang tawag.

“Isinasabit o ibinabalot lang sa katawan ang parisukat o parihabang piraso at sinisiguro ang puwesto gamit ang natatanggal na pin. Dahil walang hangaring maging masikip, hindi na kailangan ng pagsukat o pagputol,” dagdag pa ni Rudofsky.

Kaya Ba ng Damit Natin ang Init ng Climate Change?

Florilegius/Getty Images

Kaya Ba ng Damit Natin ang Init ng Climate Change?

Florilegius/Getty Images

1. Ilustrasyon ng mga Pilipinong nakasuot ng malong (circa 1835-1840), 2. Ilustrasyon ng mga Indian na nakasuot ng dhoti at sari (1858).

Binigyang-linaw pa ng mananaliksik at tagapagtatag ng South Asia Archive na si Sanam Sindhi ang kahalagahan ng kasuotang ito: “Ang lungi—kilala rin bilang veshti [Sri Lanka] o mundu [Kerala] depende sa lugar—ay pambihira dahil sa pagiging payak. Gaya ng sari, iisa lang itong pirasong tela na walang tahi; kapag nakatali nang tama, nagiging maganda at praktikal na kasuotan para sa halos anumang okasyon.”

Ang ganitong “purong kasimplehan” ay hamon sa Kanluraning konsepto ng inobasyon na nakasentro sa teknikal na komplikasyon at sintetikong produksiyon. “Sa Kanluran, ang ideya ng utilidad o workwear ay agad nagbubunsod ng larawan ng mga bulsa, uniporme, kagamitang militar o pang-hiking; sa Silangan, kinikilatis, binabaklas at muling itinatayo ang depinisyon ng kung ano ang utilitaryo,” paliwanag ni Sindhi.

Binigyang-diin din niya na sa South Asia, ang klima na mismo ang nagtatalaga ng paraan ng pananamit. Sa mga bansang tropikal tulad ng Bangladesh, India at Pakistan, nagtulak ang matinding init sa paggamit ng preskong telang gaya ng linen at sa pag-develop ng mga teknik sa pananahi na nakatuon sa pagpapalamig.

“Hindi lang ito tungkol sa damit mismo, kundi sa espasyong namamagitan sa tela at sa katawan—kung paano tumutugon ang katawan sa damit, at kabaliktaran.”

Ang Usapin ng Cultural Appropriation

Bagama’t marami sa Kanluran ang turing sa sarong ay pang-seremonya lang, bahagi ito ng pang-araw-araw na buhay sa maraming bansa sa Timog at Timog-Silangang Asya. Kuwento ni Chris Fusner, designer at founder ng Tropical Futures Institute, “Lumaki akong suot ito sa bahay namin sa Singapore — lagi lang kasi itong nakaabang. Mapa-casual o pormal, suot ito ng mga tao. Palagi ko itong nakikita sa mga komunidad na Malay at Indonesian.”

Sa post-kolonyal na panahon, kalakip ng maraming kultural na kasuotan ang masalimuot na kasaysayan ng paglaya, kaya sensitibo ang usapin kapag ito’y kinokomersiyalisa sa mainstream. Ngayon, kahit banggitin lang ang “cultural inspiration,” agad na umuusad ang talakayan tungkol sa appropriation, at parami nang parami ang komunidad na humihiling na maging kabahagi sila sa muling paglikha ng kanilang pamana.

Tingnan ang post na ito sa Instagram

Isang post mula sa @southasiaarchive

Para kay Sindhi, ang SS26 men’s season nitong Hunyo ay patunay ng sartorial na impluwensiya ng Global South sa kontemporaryong fashion—kitang-kita ang mga estilo ng North Africa at South Asia sa mga show nina Armani, Prada, Louis Vuitton at Kenzo.

Napansin din ito ng mga netizen, na nagpasiklab ng online na usapan tungkol sa pag-aangkin ng tradisyonal na estilong Indian sa mataas na presyo. Halimbawa, binatikos ang Autorickshaw bag ni Louis Vuitton dahil sa presyong $40,000 USD, habang inulan din ng puna ang Dior sa pagkopya sa Kolhapuri sandals nang walang sapat na pagkilala.

Kaya Ba ng Damit Natin ang Init ng Climate Change?

Florilegius/Getty Images

Kaya Ba ng Damit Natin ang Init ng Climate Change?

Florilegius/Getty Images

Kaya Ba ng Damit Natin ang Init ng Climate Change?

Florilegius/Getty Images

“Naranasan na rin namin ang ganitong bugso ng globalisasyon noong ’90s at unang bahagi ng 2000, pero wala pa kaming sapat na puwersang pang-ekonomiya at panlipunan para makatugon at angkinin ito noon. Iyon ang kaibahan ngayon,” ani Sindhi. Gayunpaman, nakikita ng parehong mananaliksik at designer ang pagkakataon sa sandaling ito, at pinuri pa nila ang interpretasyong “hip-scarf” ni Dries Van Noten sa sarong. Inilarawan pa ito ni Sindhi bilang “napakaromantiko” at “makata.”

Maaaring wala talagang saysay ang paghahanap ng iisang pinagmulan para sa isang kasuotang may iba-ibang anyo sa buong mundo. Sa paglulunsad ng Digital Moodboard Sarong ng Tropical Futures Institute, sumulat pa si Fusner: “Isa itong piraso ng damit na umaabot sa buong tropiko—mula Timog-Silangang Asya, Timog Asya hanggang Aprika. Nagbabago ang pangalan, habi, disenyo at paraan ng pagtali nito depende sa lugar.”

Tropikal na Horizon ng Fashion

Muli’t muling binigyang-diin ni Sindhi ang pangangailangang lampasan ang Eurocentric na pananaw. “Kailangan nating iwaksi ang nakasanayan nating Kanluraning ideya ng utilidad o inobasyon—pati na ang akala nating alam natin tungkol sa damit—at tumingin nang mas malapít sa mga katutubo at tradisyonal na kultura sa buong mundo.”

Isa si Fusner sa maraming designer mula Timog at Timog-Silangang Asya na binibigyang-bagong-sigla ang tradisyonal na kasuotang ito mula sa isang kulturang nakaugat na perspektiba. Simula 2020, naglabas ang kaniyang brand ng ilang sarong na may mga naka-print na kontemporaryong artwork na hango sa kaniyang hilig sa digital aesthetics.

Tingnan ang post na ito sa Instagram

Isang post mula sa @tropicalfutures

Habang kinikilala niya ang sensitibong isyu ng Western appropriation, tinitingnan pa rin niya ito bilang isang “net positive.” “Ang puwede nating gawin ay baliktarin ang sitwasyon at ituon ang spotlight sa mga batang designer sa rehiyon namatagalnang nag-iinobeyt,” sabi ni Fusner. “May magagandang konsepto sa Pilipinas, mula sa mga designer tulad ni Carl Jan Cruz, na nakikipaglaro sa tradisyonal na silweta at mga kasuotan.”

Bukod sa silweta ng sarong, binigyang-diin din ng designer ang paggamit ng telang piña sa Pilipinas. Ang manipis, magaan, organza-like na materyal na ito ay tradisyonal na ginagamit sa pormal na kasuotang barong. Ayon kay Fusner, “ang mesh construction ng piña ay may pambihirang kakayahang magpalamig—malayang dumadaloy ang hangin kaya mas makahinga ang katawan.”

Kaya Ba ng Damit Natin ang Init ng Climate Change?

Carl Jan Cruz/Renzo Navarro

Kaya Ba ng Damit Natin ang Init ng Climate Change?

Carl Jan Cruz/Renzo Navarro

Kaya Ba ng Damit Natin ang Init ng Climate Change?

Carl Jan Cruz/Renzo Navarro

Kaya Ba ng Damit Natin ang Init ng Climate Change?

Carl Jan Cruz/Renzo Navarro

Kaya Ba ng Damit Natin ang Init ng Climate Change?

Carl Jan Cruz/Renzo Navarro

Ang designer na nakabase sa Maynila na si Carl Jan Cruz—kilala sa maluluwag at deconstructed na silweta—ay isa pang patunay kung paanong umuusad ang tradisyonal na kasuotan: dinadala niya ang abstract na burda, patchwork at bagong mga hugis sa barong at pambahay. Gaya ng sarong, idinisenyo ang koleksiyong “Pambahay” ni Cruz upang masuot “harap-likod at loob-labas” — mga modular na pirasong puwedeng i-style ayon sa iyong trip.

Habang napapag-iwanan ng mga hakbang kontra climate change ang mismong bilis ng pag-init, kung anu-anong paraan ang ginagawa ng mga tao para magpalamig—mula sa paglaganap ng handheld electric fans sa NYC hanggang sa pagka-viral ng “Beijing Bikini” meme, kung saan itinaas ng mga lalaki ang kanilang kamiseta at nakalitaw ang tiyan.

Bagama’t patok ang mga pansamantalang solusyong ito bilang memes online, malinaw ang isang bagay: nahuhuli pa rin ang fashion sa pagtugon sa pangangailangan nating magpalamig sa lalong umiinit na mundo. Ayon sa NASA, ang nakaraang taon na ang pinakamainit na naitalang taon, tinalo pa ang rekord ng 2023. Pagsapit ng 2027, inaasahan na ang patuloy na pagbuga ng greenhouse gases ay magtataas sa karaniwang temperatura ng Daigdig nang 1.5 °C—ang numerong sinasabing “point of no return.”

“Namumukod-tangi talaga ang sartorial culture ng Global South dahil sa balansyado at orihinal nitong pagtugon sa anyo at gamit. Sa panahong mas uunahin na natin ang survival kaysa estilo, marami tayong matututuhan sa mga kulturang ito kung paano pagsabayin ang dalawa,” pagtatapos ni Sindhi.

Nico Gavino Associate Editor

Nico Gavino is a NYC-based writer with a focus on the intersection of pop culture and men’s style. He has written more than 1,000 articles on Hypebeast in the last 2 years, spanning industry news, interviews, and long-form pieces. Interviews include Takashi Murakami, Missy Elliot, and major designers like Simone Bellotti, Tremaine Emory, and Jack Carlson. Previously, Nico has been quoted in publications like Sourcing Journal and Fashionista, and acted as a trend advisory to notable names like Timberland. Deeply interested in aesthetics and subcultures, his articles tie emerging fashion currents to shifts in the wider cultural landscape.

0 Mga Komento
 

Sinusubukan mo ang bagong beta na website

Ibahagi ang iyong feedback sa amin, makakatulong ito na mapabuti ito para sa iyo.