Buod
- Ibinunyag ang Diesel SS26 collection sa isang Easter egg hunt na ginanap sa buong Milan, kung saan ikinulong sa mga transparent na itlog ang mga modelo sa iba’t ibang sulok ng lungsod.
- Tampok sa koleksiyon ang mga deconstructed na silweta at makabagong materyales tulad ng distressed satin denim at “X-ray” bleached denim.
- Ayon kay Glenn Martens, ang palabas ay isang laro para patunayan na “lahat ay nasa front row.”
Sa Milan Fashion Week, inilunsad ni creative director Glenn Martens ang bagong Diesel Spring/Summer 2026 collection na may matinding pahayag. Ginanap ang palabas sa bagong punong-tanggapan ng brand, kung saan rumampa ang mga modelo sa ibabaw ng dambuhalang bunton ng pinagtapong damit—isang dramatiko at di-malilimutang eksena na nagsilbing backdrop sa koleksiyong nakaugat sa upcycling at hilaw na ganda. Higit pang pinalawak ni Martens ang kaniyang estetika sa pamamagitan ng makabagong pagproseso ng mga materyales at mapaglarong mga silweta. Ang koleksiyong ito ay “next-level Diesel,” na nakatuon sa deconstruction, wearability, at isang hilaw at walang takot na estilo.
Ang koleksiyong ito mismo ay isang masterclass sa distressed at deconstructed aesthetics, punô ng matatapang na silweta. Kilala si Martens sa kaniyang inobatibong pag-eksperimento sa denim, at naghatid siya rito ng mga pirasong parehong punk at sopistikado. Ang mga tailored jacket ay may “sumasabog” na biker straps na maaaring itali sa iba’t ibang paraan, samantalang ang mga leather skirt ay ginupit na may magagaspang na gilid na tila bagong kuha sa animal hide. Tampok ang mga pirasong may frayed seams, trompe-l’œil prints, at iba-ibang denim-on-denim look na naging tatak na niya sa brand. Ang mga jacket at palda ay sinadyang sinira hanggang sa perpektong antas, may nakalitaw na zipper at di-pangkaraniwang hiwa na lalong nag-alangkas sa rebeldeng espiritu ng koleksiyon. Mula sa trompe-l’œil knit jumpsuit hanggang sa mga bestidang may ulap ng ginutay-tay na chiffon, bawat piraso sa SS26 ay parang bugtong—isang laro ng pagtuklas na humahamon sa nagsusuot na lampasan ang panlabas na anyo at yakapin ang malikhaing kaguluhan sa loob.
Isa sa mga pangunahing materyal ng koleksiyon ay ang satin denim na gawa sa recycled polyester. Pinadaan ito sa laser treatment para magkaroon ng distressed, gamit-na-gamit na dating, at ginamit sa mga sleeveless biker jacket at apron dress na may matatapang na kulay. Ang denim ay na-bleach mula sa loob palabas para makalikha ng halos “X-ray” na epekto na ibinubunyag ang mga panloob na detalye ng kasuotan. Umani rin ng pansin ang temang “pagbubunyag” sa mga knit na may bukás na tahi at sa mga double-layered na piraso kung saan mas malaki ang inner layer kaysa outer, na nagbibigay ng nakakagulat at eskulturang hugis.
Higit pa sa mga kasuotan, isa ring komentaryo sa industriya ng fashion mismo ang presentasyon. Ikinulong ang mga modelo sa mga transparent na itlog habang malayang nag-iikot ang mga bisita para pag-aralan ang koleksiyon sa loob ng malalaking oval na sisidlang iyon. Bawat sisidlan ay may QR code na nag-imbita sa publiko na hanapin ang mga modelo sa kani-kanilang egg casing bilang bahagi ng city-wide “Easter egg hunt” na idinisenyo ni Martens. Nakakalat sa 18 lokasyon sa buong Milan—kabilang ang mga simbahan, bar at club—ang 55 look para sa SS26 season. Ang pangunahing stage ay nasa Piazza Beccaria, tampok ang live music at aliwan. Pahayag ni Martens, “This is Diesel for the people, isang koleksiyong natuklasan ng publiko kasabay ng lahat. Fashion is a game and we’re playing it: everybody gets to be on the front row. Follow the rules, then break them, For Successful Living!” Silipin ang koleksiyon sa itaas.
Tingnan ang post na ito sa Instagram