Sikat ang Turkish designer na si Dilara Fındıkoğlu sa mga couture creation niyang hitik sa detalye at may punk na attitude. Pero para sa season na ito, inilunsad niya ang brand sa bagong teritoryo—sa itsura man o sa negosyo.
Tinahak ng koleksiyon ang mas preskong paleta—nude, pink at puti—na kumokontra sa dati niyang mas madilim na estetika. Ang kaniyang pirma, ang mga deconstructed na silweta, ay binigyang-bagong anyo sa antique-inspired na ruffled cuff, mga sheer na tela, at mapaglarong detalye tulad ng pulang seresa na gawa sa silicone.
Hindi layon ng pagbabagong ito na palambutin ang signature edge ng brand, kundi iangat pa ito sa pamamagitan ng matapang na pagtatambal: baby-doll dresses na sinabayan ng horse-bit headpieces; pink latex na nakapulupot sa puting lace sa mga statement skirt at dress; dramatikong ruffle na hango sa ika-19 na siglo na bumubulwak mula sa mga jacket; at pinong gothic spikes sa bangles at sinturon—lahat ito ang nagtakda ng bagong teritoryo para sa brand.
Sa season na ito, unang ipinakilala ng brand ang mga bag para sa ready-to-wear. Ginamitan ng parehong antas ng couture craftsmanship, kusang lumapat ang mga ito sa koleksiyon—nakabitin nang walang effort sa mga braso ng modelo upang kumpletuhin ang look—patunay sa maingat na paglawak ng brand patungo sa pang-araw-araw na porma.
Mag-scroll paakyat para makita ang kumpletong runway looks ng Dilara Fındıkoğlu SS26.