Buod
- Ibinunyag ni Banksy ang kaniyang pinakabagong mural sa panlabas na pader ng Royal Courts of Justice sa London.
- Pinaniniwalaang konektado ang nasabing mural—na naglalarawan sa isang hukom na ibinabagsak ang kaniyang martilyo sa isang demonstrador—sa mga nagdaang kilos-protesta laban sa pagbabawal ng gobyerno sa grupong Palestine Action.
- Ilang sandali lang matapos lumitaw ang obra, agad itong tinakpan ng mga awtoridad.
Isang bagong gawa ni Banksy ang biglang sumulpot sa central London at, sa totoong Banksy fashion, agad nang umani ng kontrobersiya. Lunes ng umaga nang i-post mismo ng kilalang anonymous graffiti artist sa Instagram ang kumpirmasyon ng obra, simpleng nilagyan lamang ng lokasyon bilang caption: Royal Courts of Justice.
Nakasalpak sa panlabas na pader ng Queen’s Building, ipinapakita ng mural ang isang hukom na nakasuot ng kumpletong opisyal na kasuotan habang ibinabagsak ang martilyo sa isang nagpoprotesta, tila sumasabog ang dugo sa hawak nitong placard.
Bagama’t walang tahasang tinutukoy na adbokasiya ang likha, hinalang konektado ito sa protesta laban sa pagbabawal ng gobyerno sa Palestine Action na nauwi sa mass arrest ng halos 900 katao sa Parliament Square noong nakaraang Sabado.
Ayon saBBC,mabilis na kumilos ang mga awtoridad para tabingan ang mural ni Banksy gamit ang mga plastik na takip at bakal na bakod, at nagtalaga pa sila ng dalawang guwardiya sa lugar.
Ang Court-side mural na ito ang pinakabagong obra ng Bristol-based artist, kasunod ng kaniyang misteryosong lighthouse piece na inilagay sa Marseille noong Mayo na may nakasulat na linyang, “I want to be what you saw in me.” Kilala si Banksy sa kaniyang mga pulitikal na likha, at sa bagong mural na ito, ipinagpapatuloy niya ang tradisyong ilapat ang kanyang sining sa mismong harapan ng kapangyarihan.



