Sergio Pérez at Valtteri Bottas, Bida sa 2026 F1 Debut ng Cadillac
Magbabalik sa grid ang powerhouse duo para itulak ang Cadillac sa rurok ng Formula 1.
Buod
- Kinuha ng Cadillac sina F1 drivers Sergio Pérez at Valtteri Bottas
- Pinili sila ng Cadillac dahil sa kanilang napatunayang tagumpay, inuuna ang katatagan sa pagbuo ng kanilang bagong koponan para sa 2026.
- Tinawag sila ni Dan Towriss, CEO ng Cadillac, na mga “builder” na tutulong humubog sa identidad ng koponan.
Sa isang makasaysayang anunsyo para sa Formula 1, kinumpirma ng Cadillac na sina Sergio Pérez at Valtteri Bottas ang mangunguna sa kanilang pagpasok bilang pinakabagong koponan ng isport sa 2026. Ang high-profile na tambalang ito ay isang malinaw na pahayag ng ambisyon mula sa Amerikanong higanteng automotibo, na magiging ika-11 koponan sa F1 grid.
Matapos ang isang taong pahinga, magbabalik sa tuktok ng motorsport ang dalawang driver dala ang pinagsamang lawak ng karanasan at rekord ng tagumpay mula sa mga koponang kampeon. Si Pérez, na nagtagal ng apat na season sa Red Bull Racing, ay naging mahalagang salik sa constructors’ titles ng team. Bagaman wala siyang naipanalo noong 2024, patunay ng kanyang husay ang anim na karera na kanyang naipanalo at 39 na podium finish. Si Bottas naman, matapos ang limang matagumpay na season sa Mercedes kung saan nagtala siya ng 10 panalo at tumulong sa limang constructors’ titles, ay nagsilbi ngayong taon bilang reserve driver ng koponan. Sa tungkuling ito, nanatili siyang malapit sa isport at nakapagbigay ng mahalagang pananaw at feedback sa pinakabagong pag-unlad na teknikal.
Sa anunsyo nitong Martes, sinabi ni Pérez, “Ang pagsali sa Cadillac Formula 1 Team ay isang bagong kabanatang sobrang nakakapanabik sa aking karera. Sa unang pag-uusap pa lang namin, ramdam ko na agad ang passion at determinasyon sa proyektong ito. Isang karangalan na maging bahagi ng pagbuo ng isang koponang sabay naming pauunlarin, para pagdating ng panahon ay makipaglaban kami sa unahan. Ang Cadillac ay isa nang alamat sa American motorsport, at ang maihatid ang kahanga-hangang kumpanyang ito sa Formula 1 ay napakalaking responsibilidad—na handa kong akuin.” Dagdag ni Bottas, “Mula nang magsimulang makipag-usap ako sa Cadillac Formula 1 Team, may naramdaman akong kakaiba—ambisyoso pero grounded. Hindi lang ito isang racing project; isa itong pangmatagalang bisyon. Hindi araw-araw ibinibigay ang pagkakataong maging bahagi ng isang proyektong itinatayo mula sa simula at tulungan itong maging karapat-dapat sa F1 grid.”
Ang desisyon ng Cadillac na kunin ang beteranong tambalang ito, sa halip na pumili ng potensyal na Amerikanong driver para sa kanilang debut, ay nagpapakita ng kanilang pagtutok sa katatagan at tagumpay mula pa simula. Inilarawan ni Team Principal Graeme Lowdon ang pagpirma bilang isang “bold signal of intent,” at iginiit na ang papel ng mga driver ay hindi lang bilang racers kundi bilang mga “builder” na huhubog sa kompetitibong pundasyon ng koponan. Sa lawak ng kanilang karanasan, handa sina Bottas at Pérez na gabayan ang Cadillac sa matarik na learning curve ng kanilang unang season.



