Idinemanda ni Michael Jordan ang NASCAR sa Mataas na Pustang Antitrust Trial
Ipinaliwanag ni Jordan na ginawa niya ito dahil inisip niya, “Kailangan may tumayo at hamunin ang [NASCAR].”
Buod
- Nagbigay ng testimonya si Michael Jordan sa isang antitrust na kaso laban sa NASCAR, at sinabi niyang naramdaman niyang kailangan niyang hamunin ang organisasyon dahil sa hindi patas nitong modelo ng negosyo.
- Kinuwestiyon ng NBA icon ang napakaliit na hating kita ng mga team, at binigyang-diin na ito ay “mas mababa pa kaysa sa anumang negosyo na kailanman ay naging bahagi ako.”
- Nagsimula ang kaso nang maglabas ang NASCAR ng anim-na-oras na ultimatum para sa mga koponan na pumirma sa isang kontratang tahasang tumatangging gawing permanente ang mga team charter.
Pinasiklab ng NBA icon na si Michael Jordan ang isang makasaysayang antitrust na paglilitis, matapos siyang magpatotoo na naramdaman niyang kailangan niyang idemanda ang NASCAR dahil sa modelo ng negosyo nitong, ayon sa kaniya, ay hindi patas at dehado ang mga team at driver. Sa kaniyang testimonya, inilatag ni Jordan kung bakit sumama ang koponang pagmamay-ari niya, ang 23XI Racing, sa Front Row Motorsports sa paghamon sa nangungunang auto racing series sa U.S.
Diretsahan ang anim na beses na NBA champion tungkol sa kaniyang motibasyon,habang nakaharap sa jury, “Kailangan may isang tumindig at hamunin ang organisasyon. Umupo ako sa mga pulong kasama ang mga matagal nang may-ari na sa loob ng napakaraming taon ay pinipigil at pinahihirapan habang sinusubukang magdala ng pagbabago. Bago lang ako, hindi ako natakot. Pakiramdam ko kaya kong hamunin ang NASCAR bilang isang kabuuan.” Nilinaw ni Jordan na tunay na pakikipagsosyo ang hinahangad niya, at binanggit na ang hati sa kita ay “mas mababa pa kaysa sa anumang negosyo na kailanman ay naging bahagi ako.”
Nag-ugat ang kaso sa pagtanggi ng NASCAR na gawing permanente ang mga team charter (na nagsisiguro ng kita mula sa karera), at binigyan lamang ang mga koponan ng anim na oras noong Setyembre 2024 upang pumirma sa isang mahigpit na extension. Tumanggi sina Jordan at ang 23XI, na pagmamay-ari rin kasama si Denny Hamlin, sa nasabing deal. Inisa-isa ni Jordan ang kaniyang mga pagtutol: “Una, hindi ko nakitang may saysay ito sa ekonomiya. Pangalawa, nakasaad doon na hindi mo puwedeng idemanda ang NASCAR — pakiramdam ko, iyon ay isang paglabag sa antitrust. Pangatlo, binigyan nila kami ng ultimatum na sa tingin ko ay hindi patas para sa 23XI. Gusto ko ng pakikipagsosyo, at ang mga permanenteng charter ay hindi man lang isinama sa konsiderasyon. Iyong mga pangunahing haligi na gusto ng mga team, wala ni isa sa panig ng NASCAR ang nakipag-negosasyon o nagpakita ng kompromiso. Hindi man lang sila bukas sa ganoong pag-uusap, kaya rito tayo humantong.” Inilarawan ng kaniyang testimonya ang paglilitis bilang isang laban para sa pundamental na katatagan ng kita at katarungan sa sport.

















