Buod
- Inihahandog ng Philadelphia Art Museum ang Dreamworld: Surrealism at 100, isang malawakang exhibit na sinusundan ang surrealism mula sa mga pinagmulan nito hanggang sa mga makabagong anyo
- Mapapanood hanggang Pebrero 2026, tampok sa show sa Philadelphia ang isang eksklusibong seksyon na nakatuon sa mga European surrealist na naghanap ng kanlungan sa North America matapos ang World War II
Noong 1924, inilathala ng makata at artist na si André Breton ang kaniyang Manifesto of Surrealism, na naglarawan ng isang “crisis of consciousness” — ang pagtalikod sa imahinasyon kapalit ng uri ng pormalidad at paghuhusga na kaakibat ng pagiging adulto. Bilang tugon, iminungkahi niya ang surrealism bilang isang artistikong pag-aaklas na muling umaangkin sa pagkamangha, niyayakap ang intuwisyon, at itinutulak hanggang sukdulan ang mga posibilidad ng paglikha.
Sa Philadelphia Art Museum (PhAM), mas tumitining ang kilusang ito sa pamamagitan ng Dreamworld: Surrealism at 100, matapos ang European tour nito. Tinatampok ang halos 200 likha mula sa mahigit 70 artists, sinusubaybayan ng eksibisyon ang ebolusyon ng surrealism, at ang mga tinig na humubog, humamon, at nagpalawak sa saklaw nito sa nakalipas na siglo.
Sa pangunguna ng mga curator na sina Matthew Affron at Danielle Cooke, ang Dreamworld ay nakalatag sa anim na tematikong seksyon na inayos ayon sa kronolohiya. Sinisiyasat ng “Waking Dream” ang mga unang eksperimento ng kilusan sa porma at teknik habang inaalagaan ito sa Paris; inilalatag naman ng “Natural History” at “Desire” ang pagkahumaling sa hiwaga ng kalikasan at eros. Samantala, ipinapakilala ng “Premonition of War” ang mga nilalang at halimaw na isinilang ng tumitinding tensyong pandaigdig, habang ang “Exiles,” isang seksyong natatangi sa PhAM installation, ay nagbibigay-spotlight sa mga European surrealist na tumakas patungong North America noong World War II. Nagtatapos ang paglalakbay sa “Magic Art,” na sinusubaybayan ang pagliko ng kilusan sa kalagitnaan ng siglo tungo sa mistisismo at esoterica.
Sa piling ng mga obra nina René Magritte, Salvador Dalí, Lee Miller, Hans Bellmer, Joan Miró, Pablo Picasso, Frida Kahlo at Mark Rothko bilang mga pangunahing tampok, nangakong maghahatid ang eksibisyon ng parehong komprehensibo at mapanlikhang pagsisid sa kapangyarihan ng imahinasyon ng tao. Tuklasin mismo ang eksibisyon hanggang Pebrero 16, 2026. Bisitahin ang website para sa karagdagang detalye.
Philadelphia Art Museum
2600 Benjamin Franklin Pkwy
Philadelphia, PA 19130