Isang Airport Terminal, Ginawang Art Gallery para sa NOMAD Abu Dhabi
Bukas na ang pinto ng NOMAD Abu Dhabi sa pinakabagong roaming design fair nito sa isang iconic na airport terminal.
Mula nang itatag ito noong 2017, ang design fair na NOMAD ay patuloy na nagdadala ng pinakakapana-panabik at pinakamahuhusay sa collectible market sa mga natatanging lokasyon, mula sa dating tahanan ni Karl Lagerfeld hanggang sa iconic na Palais Bulles sa Cannes.
Ngayon, ang “nomadic” na design fair ay nagbukas ng espasyo sa loob ng makasaysayang Terminal 1 ng Zayed International Airport.
Isang sagisag ng Gulf modernism, ang arkitektura ay dinisenyo ni Paul Andreu, at sinasakop ng fair ang tanyag na circular lounge at mga arched walkway nito.
Sa buong espasyo, nakahanay ang mga international heavyweight gaya ng Gallery FUMI at Nilufar, kasama ng mga regional gallery at mga umuusbong na talento.
Ang Irthi Contemporary Crafts Council, na nakatuon sa pagpreserba at malikhaing muling paglikha ng Emirati crafts, ay nakipag-collaborate sa Mexican artist at designer na si Ricardo Rendón, habang ang The AP Room naman ay nagpapakita ng “The Roots” ng Dubai-based Iranian artist na si Roham Shamekh.
“Sinasaklaw ang iba’t ibang kategorya at temang maingat at likas na nakikipag-ugnayan sa samu’t saring creative practice (ibig sabihin, malawak na hanay ng artists at designers, anyo ng sining, panahon, at pinanggalingang heograpikal), ibinubunyag ng NOMAD Abu Dhabi ang isang kakaiba at multi-faceted na perspektiba,” sabi ng founding director na si Nicolas Bellavance-Lecompte.
Isang bagong project launch ang “Departures”, na inilalarawan bilang isang large-scale installation. Matatagpuan sa loob ng departure hall, binibigyang-liwanag ng seksyong ito ang mga monumental at site-specific na likha.
Samantala, ipinapakita naman ng Bottega Veneta ang “Destinations”, isang curated na show ng mga obra ng walong designer mula North Africa at Middle East, at tampok naman sa Maison Perrier-Jouët ang isang installation na pinamagatang “Cohabitare” ni Formafantasma.
“Tulad ng NOMAD mismo, pinagbabalanse ng Abu Dhabi ang malalim na paggalang sa pamana at ang matapang, forward-looking na mga ambisyon,” dagdag ni Bellavance-Lecompte.
“Ang mayamang cultural landscape ng lungsod, na nakaangkla sa Saadiyat Cultural District at sa mga institusyong gaya ng Louvre Abu Dhabi, ay nagbibigay ng masiglang entablado para sa diyalogo sa pagitan ng mga lokal na tradisyon, Islamic aesthetics, at pinakabagong art at design mula sa iba’t ibang panig ng mundo.”
Gaganapin ang NOMAD mula Nobyembre 19 hanggang 22. Bisitahin ang kanilang website para sa karagdagang detalye.



















