Ang 6:AM ang Milanese studio na muling bumubuhay sa Murano glass
Kilala mo na ang *the* glass Bottega Veneta stools—ngayon kilalanin naman ang mga designer sa likod ng mga ito.
Ang 6:AM ang Milanese studio na muling bumubuhay sa Murano glass
Kilala mo na ang *the* glass Bottega Veneta stools—ngayon kilalanin naman ang mga designer sa likod ng mga ito.
Mula nang itinatag nina Edoardo Pandolfo at Francesco Palù ang 6:AM studio sampung taon na ang nakalipas, walang humpay at todo-bigay sila sa pagtatrabaho.
Una sa lahat, pinili nilang magtrabaho gamit ang isang materyal na kilalang napakahirap at para lamang sa tunay na mga espesyalista. Pangalawa, ginawa nilang sariling panata na huwag tumanggi, kahit pa mukhang lubos na imposibleng matapos ang isang proyekto.
Sa Salone del Mobile ngayong taon, makikita ang kulminasyon ng lahat ng pagsisikap na ito sa Over and Over and Over and Over, isang ambisyosong eksibisyon sa loob ng atmospheric na Piscina Romano. Umiikot ang show sa trabaho nila sa glass at sa kahalagahan ng pag-uulit—ngunit hindi kailangang sa paraang inaasahan mo.
“Ang ideyang gusto naming ipakita ay ang pag-uulit ng isang elemento,” paliwanag nila. “Isang paraan para iangat ang isang object, isang furniture piece, tungo sa ibang sukat—parang nagiging isang architectural piece.”
Sa gitna ng eksibisyon nakatindig ang isang napakataas na installation na gawa sa Batch glass cubes, mga modular unit na ini-stack bilang isang nagliliwanag na pader na binubura ang hangganan sa pagitan ng object at architecture. Ang pag-uulit, dito, ay hindi tungkol sa pagkakapare-pareho, kundi isang pagninilay sa mismong proseso.
“Sanay na kaming iguhit at iguhit muli ang mga bagay nang paulit-ulit para makapagpokus,” sabi nila. “Parang isang mantra.”
Direkta nang nanggagaling ang ganitong mindset sa trabaho nila sa glass. Hindi tulad ng kahoy o metal, halos walang puwang ang glass para sa pag-aatubili. Kapag tinunaw na ito, nagsisimula nang tumakbo ang oras. “Mayroon ka lang mga 20 minuto para gawin ang piece,” paliwanag nila. “Pag nagsimula ka na, kailangan eksakto mong alam kung ano ang gagawin mo.”
Dahil dito, hindi sa porma nagsisimula ang 6:AM, kundi sa proseso. “Sa pinakaugat ng isang produkto, may proseso,” sabi nila. “Idinidisenyo muna namin ang proseso, saka namin hinahanap ang paraan para makarating sa final na hugis.”
Isa itong metodo na nangangailangan ng matinding disiplina, kasabay ng pagkagusto sa hindi inaasahan. Sa glassmaking, mahalaga ang pag-uulit—hindi lang sa creativity kundi pati sa praktikal na aspeto. “’Yung unang dalawa, tatlo, sampung piraso, tinatapon mo lang,” sabi nila. “’Yung pang-labing-isa na ang maganda.”
At kahit doon, mailap pa rin ang perpeksiyon. May mga maliliit na pagbabago na lumulusot—pagbabago sa kulay, bahagyang pagbaluktot, isang hindi inaasahang reaksyon sa materyal. Hindi ito mga imperpektong dapat burahin, kundi bahagi mismo ng proseso.
Minsan, ang mga sandaling iyon pa ang naglilinaw sa final na obra.
Naalala ng studio ang isang early chandelier na gawa sa glass cubes na naging berde dahil sa reaksyon sa steel mould—isang efekto na noong una ay mukha talagang sablay. “Sabi namin, sige, isabit na lang natin,” kuwento nila. “Ang hindi namin alam, lahat pala nahulog ang loob dito.”
Ang ganoong pagiging bukas sa mga hindi inaasahan ang dumadaloy sa buong Milan exhibition. Bukod sa central installation, may mga bagong bersyon ng lighting at furniture, pati mga mas eksperimental na piraso—kabilang ang isang modular wall na gawa sa mga itinapong materyal at sculptural glass elements na lumalampas sa tradisyunal na Murano aesthetics.
Isa sa pangunahing layunin ay hamunin kung paano tinitingnan ang glass. “Gusto naming ipakitang may ibang mukha ang glass bukod sa archetype ng chandelier,” sabi nila. “Isang bagay na puwede mong gamitin para lumikha ng architecture sa loob ng isang space.”
Mahalaga rin ang papel ng lokasyon. Ang Piscina Romano, isang bahagyang inabandona nang public pool, ay nagbibigay ng parehong laki at atmosphere, na nagbibigay-daan sa 6:AM na palawakin ang kanilang trabaho tungo sa mas immersive na karanasan. Ang eksibisyon mismo ay umusbong mula sa Salone noong nakaraang taon. “Sa huling araw, sabi namin, sige, subukan nating gumawa ng mas ambisyoso sa susunod na taon,” paliwanag nila.
Lumalampas ang ambisyong iyon sa mga object mismo. Sa labas, sa park sa paligid, lumikha ang studio ng Bar Pieno, isang temporary bar na bukas buong linggo, na nagho-host ng mga chef, DJ at isang open-ended na programa ng mga event. Dinisenyo ito bilang isang lugar na tatambayan, hindi lang dadaanan.
Ang pagdaragdag ng isang social space ay sumasalamin sa mas malawak na pagbabagong-anyo sa paraan ng pag-iisip ng 6:AM tungkol sa kanilang trabaho. Ang nagsimula bilang serye ng matitinding commission—“the craziest projects that nobody wanted to do”—ay umusbong tungo sa mas malinaw na praktis na nasa pagitan ng design, architecture at installation.
Pero nananatiling pareho ang pinakabuod ng kanilang praktis: pag-uulit, paulit-ulit na paghasa, at ang kahandaang kumilos sa loob ng mga limitasyon.
“Ang pag-uulit ang lumilikha ng istruktura,” sabi nila. “At sa loob niyon, puwede kang mag-explore.”
Bukas ang show ng 6:AM hanggang April 26, sa Via Ampère 24, 20133 Milano.



















