Buod
- Inanunsyo na ng CFDA Fashion Awards ang listahan ng mga nominado para sa 2025, kabilang sina Thom Browne at Willy Chavarria, pati ang label na The Row para sa American menswear.
- Magaganap ang seremonya sa American Museum of Natural History, New York City, sa Nobyembre 3, 2025.
Opisyal nang inilabas ng Council of Fashion Designers of America (CFDA) ang listahan ng mga nominado at pararangalan para sa 2025 CFDA Fashion Awards na hatid ng Amazon Fashion. Ipinapakita ng mga nominasyon ang lawak ng talento—mula sa mga American icon hanggang sa mga bagong boses ng industriya. Gaganapin ang pinakaprestihiyosong gabi ng American fashion sa American Museum of Natural History sa New York City sa Nobyembre 3.
Para sa titulo ng American Womenswear Designer of the Year, maghaharap ang malalaking pangalan na Ralph Lauren at Tory Burch laban kina Rachel Scott ng Diotima at Wes Gordon ng Carolina Herrera. Sa menswear naman, siksik ang American Menswear Designer of the Year category sa mga bigatin tulad nina Thom Browne at Willy Chavarria, pati ang The Row, Amiri, at Eckhaus Latta.
Para sa American Accessory Designer of the Year, nominado sina Ana Khouri; Catherine Holstein ng Khaite; Raul Lopez ng Luar; magkapatid na Ashley at Mary-Kate Olsen ng The Row; at Tory Burch. Para naman sa Google Shopping American Emerging Designer of the Year, kabilang sina Ashlynn Park ng Ashlyn at Bernard James. Samantala, gagawaran din ang mga beterano ng industriya—tatanggap ng Positive Change Award si Donatella Versace, habang si Ralph Rucci ang kikilalanin sa Geoffrey Beene Lifetime Achievement Award.
Halos kapareho ng nakaraang taon ang hanay ng nominado. Dalawang sunod na taon nang tinanghal si Willy Chavarria bilang American Menswear Designer, at dati na rin niyang nakalaban sina Mike Amiri at Thom Browne noong 2024. Noong 2023, si Rachel Scott ng Diotima ang nanalo bilang Shop with Google American Emerging Designer of the Year at siya ring nag-uwi ng titulong American Womenswear Designer of the Year noong 2024. Kasama rin muli sa talaan si Raul Lopez ng Luar, na nanalo bilang Accessories Designer of the Year noong 2024.
Ibinalita ng CFDA na iaanunsiyo pa nila sa ibang pagkakataon ang mga karagdagang parangal. Abangan ang Hypebeast para sa pinakabagong balita sa fashion.



