Bawal na ang fur sa New York Fashion Week
Kasunod ito ng hakbang ng London Fashion Week na maging fur-free.
Buod
- Pagsapit ng 2026 season, ititigil na ng Council of Fashion Designers of America (CFDA) ang anumang paggamit at pagbanggit ng balahibo ng hayop sa lahat ng Official New York Fashion Week events, kalendaryo, at digital channels.
- Ang polisiya na ito ay bunga ng maraming taong pakikipagtulungan sa mga grupong nagtatanggol sa karapatan ng mga hayop at sumasalamin sa kaparehong fur-free na paninindigan na kamakailan ding ipinatupad ng London Fashion Week.
Inanunsyo ng Council of Fashion Designers of America (CFDA), na siyang nagmamay-ari at nag-oorganisa ng Fashion Calendar para sa New York Fashion Week (NYFW), noong Disyembre 3 na hindi na nito itataguyod o ipu-promote ang paggamit ng balahibo ng hayop sa anumang Official NYFW Schedule events, kabilang ang sa Fashion Calendar nito, mga social media channel, at website, simula sa nalalapit na 2026 NYFW.
“Halos wala nang ipinapakitang balahibo sa NYFW, pero sa pagtindig na ito, umaasa ang CFDA na mahihikayat ang mga American designer na pag-isipan nang mas malalim ang epekto ng fashion industry sa mga hayop. Lumalayo na ang mga consumer sa mga produktong may kaugnayan sa pagmamalupit sa hayop, at nais naming mailagay ang American fashion bilang lider sa mga usaping iyon, habang isinusulong din ang inobasyon sa mga materyales,” sabi ni Steven Kolb, CEO at president ng CFDA.
Ang anunsyong ito ay kasunod ng mga taong pakikipag-ugnayan at kolaborasyon kasama ang Humane World for Animals at Collective Fashion Justice. Ang polisiya ring ito ay sumusunod sa yapak ng London Fashion Week, na tuluyang nagwakas sa pagpo-promote ng fur noong 2023. Mas maaga ngayong taon, ang Condé Nast, ang media group na nagmamay-ari ng Vogue, Vanity Fair at Glamour, ay nagbawal din ng balahibo ng hayop sa kanilang editorial content at advertising. Ang mga kahalintulad na polisiya ay mabilis na sinunod ng iba pang fashion magazine gaya ng ELLE at InStyle.

















