Cowboy Mythology, Binuhay sa Austin Post Collection ni Matt McCormick
Sa isang eksklusibong panayam, ibinunyag ng Hypebeast ang kolaborasyon ni Matt McCormick sa eponymous label ni Post Malone na Austin Post.
Ang eponymous brand ni Post Malone na Austin Post at ang artist na nakabase sa Los Angeles na si Matt McCormick ay nag-co-design ng isang capsule collection na nakasentro sa kanilang pinagsasaluhang paggalugad sa Western iconography. Sa isang eksklusibong panayam kasama ang Hypebeast, ibinunyag ni McCormick ang mga obrang naging inspirasyon ng kanilang limited-edition na koleksyon, na partikular na nakatutok sa napaka-American na mitolohiya ng cowboy.
Bilang pagmarka sa unang installment ng Austin Post ng Studio Series, ang limited-edition na capsule ng artist ay bahagi ng isang nagpapatuloy na inisyatiba na pinangungunahan ng mga artist at cultural figure na ang mga gawa ay kaayon ng bisyon ng brand.
Tunay nga, nagtatagpo ang estetika ng musician-turned-designer at ng praktis ni McCormick sa magkakahawig na tema. Ang halo-halong medium at istilo ni McCormick, na sumusuri sa mga American archetype sa lente ng Western sensibility, ay kaagapay ng musika ni Post Malone at ng kamakailan lang niyang inilunsad na label.
Halimbawa, tingnan ang obra ni McCormick na Ceremony Of Certainty: Tampok dito ang isang discolored na inkjet na tanawin ng disyerto na pinatungan ng hand-drawn na charcoal na ilustrasyon ng cowboy; ibinahagi ng artist na layunin niyang “lumikha ng hatakan sa pagitan ng mas modernong teknik ng inkjet printing at ng klasikong istilo ng charcoal drawing.”
“Noong sinimulan kong gawin ang obrang iyon, talagang naengganyo akong gumamit ng mga naghihingalong printer para lumikha ng mga imahe na halos parang bahala-na ang diskarte. May kung anong nangyayari sa mga kulay at tekstura ng mga background kapag paulit-ulit silang pinapadaan sa mga lumang printer na lumilikha ng isang talagang nakakaintrigang sandali sa biswal,” pagbabahagi ni McCormick.
Ang tensyon sa pagitan ng moderno at klasiko, gayundin ng digital at handmade, ay matindi ang presensiya hindi lang sa sonic fusion ni Post Malone ng 808-powered hip-hop at Americana folk rock, kundi pati sa paraan ng brand niya na pagtatapat ng minimalist streetwear at mga Western classic tulad ng check shirting at suede trucker jackets.
Para sa bagong release, ini-reveal ng mag-partner ang limang silhouette sa iba’t ibang colorway, kabilang ang mga tee, isang hoodie at isang crewneck sweater, bawat isa’y may graphics na hinango sa mga obra ng artist. Sa harap ng bawat piraso, may disketong “At First Light — Season One” na typographic print na kumikindat sa FW25 debut ng brand, habang sa likod naman ay nakabalandra ang artwork ni McCormick.
“Ang mahalaga talaga ay maipasan ng mga piraso ang mismong prosesong ginamit ko sa paglikha ng mga orihinal na obra.”
Hindi ito unang pagsabak ni McCormick sa fashion. Sampung taon na ang nakalipas nang ilunsad ng artist ang sarili niyang brand, One of These Days, kung saan diretsong isinasalin niya ang kanyang visual language sa mga ready-to-wear na kasuotan. “Hindi na bago sa akin ang prosesong ito, pero ang napakaganda sa pakikipagtulungan sa Austin Post ay talagang gusto nilang tratuhin ang art bilang art at hindi lang bilang graphic, na sobrang nakapagpanibago,” aniya. “Ang mahalaga talaga ay maipasan ng mga piraso ang mismong prosesong ginamit ko sa paglikha ng mga orihinal na obra.”
Dagdag pa rito, hindi rin si Post Malone ang unang musikero na nakatrabaho ni McCormick. Ginamit na ang mga obra niya bilang album cover ng iba’t ibang artist — mula sa Puerto Rican pop star na si Bad Bunny hanggang sa rapper na si Don Toliver at country singer na si Zach Bryan. “Sentro ng pag-iral ko ang musika. Laging may tumutugtog at laging siya ang nagdidikta ng mood ko,” pagbabahagi niya. “Isang napakalaking regalo ang makatrabaho ang mga musikero dahil iyon ang munting paraan ko para maging bahagi ng usapang iyon. Halos bawat sandali para sa akin ay may kasabay na musika sa kung anong paraan,” dagdag pa niya.
Gaya ng mga piraso ni McCormick, ang discography ni Post Malone ay umusbong bilang isang dayalogo ng mga kontrast. Ang breakout 2015 single niyang “White Iverson” ay isang viral R&B/hip-hop track na unang lumabas sa Soundcloud na may auto-tuned na vocals at minimal na trap production. Halos isang dekada matapos nito, ang tunog ng 2024 LP niya na F-1 Trillion ay matinding naiiba — isang tunay na country album na tampok ang mga collaborator tulad nina Dolly Parton at Tim McGraw. Sa yugtong ito ng karera niya bilang musikero at designer, malinaw na iniaangkin ni Post Malone ang isang kontemporaryong mukha ng magaspang at matapang na cowboy character.
Para kay McCormick, ang cowboy ay higit pa sa romantikong nostalgia o mababaw na estetika. Nakikita niya ito bilang isang pandaigdigang “symbol of Americanism” at isang alegorya ng modernong pagkalalaki. Gayunman, sa halip na itulak ang isang partikular na interpretasyon, mas gusto ni McCormick na “pagsamahin ang tila hindi magkatugma o magkakaibang cultural touch point upang lumikha ng dayalogo na marahil hindi mangyayari kung hindi sila nagtagpo.”
“Hindi naman ganoon kahirap isuot ang costume at, kahit sa ilang sandali lang, magpanggap na inaangkin mo ang mitolohiya ng karakter.”
Bukod sa Ceremony of Certainty, ipinapakilala rin ni McCormick ang Among the Low Light bilang isa pang tampok na graphic. Ang pagbuo sa obrang ito ay “isang paraan para tratuhin ang imahen ng cowboy bilang halos kumukupas na alaala ng nakaraan.”
Upang palawakin ang saklaw ng kanyang istilo, sinadya ni McCormick na gayahin ang epekto ng screen print sa pamamagitan ng mano-manong pagpipinta sa kanyang mga canvas. Bilang bahagi ng nagpapatuloy na serye, lumikha siya ng kupas na patina sa pamamagitan ng masusing proseso, kung saan “dahan-dahan niyang binubuo ang mga kulay sa paulit-ulit na pagkukuskos ng pintura sa canvas gamit ang basahan at halo ng pintura at paint thinner.”
Gaya ng madaling mababanaag sa mga painting at paraphernalia sa kanyang studio, ang cowboy ay laging presensiya sa mundo ni McCormick. Naniniwala siyang nanatili ang archetype sa loob ng napakaraming dekada dahil nagbibigay ito ng isang matibay na “visual representation of America,” na inihahalintulad niya sa “isang lata ng Coke, cherry pie, o Ford truck.”
Gayunman, itinuturo niya na “ang malaking kaibhan nito sa mga bagay na iyon ay napakadaling maipinta o makita ng isang tao ang sarili niya sa cowboy.” “Hindi naman ganoon kahirap isuot ang costume at, kahit sa ilang sandali lang, magpanggap na inaangkin mo ang mitolohiya ng karakter.”
Nakatakdang ilabas ang Matt McCormick x Austin Post collection sa Huwebes, Disyembre 11, alas-8 ng umaga PT/alas-11 ng umaga ET, eksklusibo sa austin-post.com.



















